Ibinahagi ni Unkabogable Star Vice Ganda ang ginawa niyang pagtulong noong minsan siyang dumayo sa probinsiya ni Kapuso star at socialite Heart Evangelista.
Sa latest episode ng “It’s Showtime” nitong Biyernes, Oktubre 24, binalikan ni Vice ang naging karanasan niya sa pagpunta sa lugar ni Heart.
Ito ay matapos maikuwento ng isang contestant ng segment na “Laro, Laro, Pick” ang pangangailangan nitong mapagtapos ang mga anak sa pag-aaral.
“May pinuntahan akong lugar do’n sa probinsiya nina Heart Evangelista, na isang paaralan na walang reading materials. Pinagawa ko ‘yong eskwelahan,” saad ni Vice.
Dagdag pa niya, “Nagpadala ako ng tulong do’n kasi walang reading materials. Bulok ‘yong paaralan do’n sa lugar nina Heart Evangelista. I cried so much when I saw that school.”
Kaya nanawagan ang Unkabogable Star na ayusin ang mga paaralan upang matulungan ang mga magulang na mapag-aral ang kanilang mga anak.
Matatandaang sa 1,700 classroom na proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ngayong taon, 22 pa lang ang natatapos sa mga ito.
Batay mismo ito sa isiniwalat ni DPWH Sec. Vince Dizon noong Oktubre 21 sa pagdinig ng Committee on Finance sa Senado para sa 2026 proposed budget ng ahensya.
Maki-Balita: DPWH, 22 klasrum pa lang natatapos sa 1,700 na target ngayong taon