Naniniwala si National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Executive Director Carminda R. Arevalo na buhay na buhay pa rin ang gampanin ng mainstream media, lalo na ang mga pahayagan, sa paghubog ng kultura at kasaysayan ng isang bansa kaya naman dapat lamang daw na maging responsable pa rin sa pagbabalita ang mga media outlet.
Dumalo si Arevalo sa isinagawang pagpapasinaya sa panandang pangkasaysayan o historical marker para sa Manila Bulletin, na ipinagkaloob ng NHCP, umaga ng Huwebes, Oktubre 23, sa mismong bulwagan ng Manila Bulletin Publishing Corporation sa Intramuros, Maynila.
Bukod kay Arevalo, pinangunahan ang pag-unveil sa tabing ng historical marker ng mga ehekutibo ng Manila Bulletin at NHCP. Kasama ni Arevalo si Deputy Executive Director for Programs and Projects Alvin R. Alcid at mga ehekutibo ng Manila Bulletin na sina Chairman Basilio C. Yap, at Manila Bulletin President Emilio C. Yap III.
Dinaluhan at sinaksihan ito ng iba pang board members, editorial team, mga mamamahayag, empleyado, at mga panauhin ng Manila Bulletin.
Nagbigay ng pambungad na pananalita si Manila Bulletin Executive Editor Edgardo "Ed" Bartilad upang magpasalamat sa NHCP sa pagpapaunlak na kilalanin ang pahayagan at kompanya bilang isa sa mga nagbigay ng ambag sa kultura at kasaysayan ng bansa.
Pormal namang ipinagkaloob ni Arevalo ang sertipiko ng pagkilala para sa historical marker ng Manila Bulletin, sa pamamagitan ng isang talumpati.
Pagkaraan, malugod naman itong tinanggap ni Manila Bulletin President Emilio C. Yap III.
Pagkaraan, nagsagawa na ng paglagda ang mga ehekutibo ng Manila Bulletin at NHCP upang gawing pormal ang sertipiko ng pagkilala para sa historical marker ng pahayagan. Sumunod naman, nagkaroon na ng photo opportunity para sa dokumentasyon ng pagtitipon.
KAUGNAY NA BALITA: Kinilala ng NHCP: Manila Bulletin, nagsagawa ng unveiling ceremony para sa 'historical marker'
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay NHCP Executive Director Arevalo, natanong siya kung sa palagay niya, ano ang ang kahalagahan ng pamamahayag sa kasalukuyan, at kung ano ang kaugnayan nito sa kultura at kasaysayan ng isang bansa.
"Ang [responsableng] pamamahayag, napakahalaga nito, lalo na sa [pagpigil] ng pagkalat ng mga fake news," giit ni Arevalo.
Lalo na raw sa kabataan ngayon na halos "kasama na" o laging hawak ang kanilang cellphones at iba pang gadgets, hindi raw sila masyadong nagagabayan lalo na sa mga nababasa nila online. Pero sa broadsheets daw o sa mga nakalimbag na balita sa pahayagan, may pinagdaraanan pa ito bago lumabas, na maaaring tumutukoy sa editing, fact-checking, at proofreading ng editorial board. Sinasala nito kung anuman ang mga impormasyon o detalyeng lalabas sa publiko.
"Pag nagkamali nga may erratum pa eh, 'di ba," giit pa ni Arevalo.
Iyan daw ang dahilan kung bakit kinilala nila ang Manila Bulletin at pinagkalooban ng historical marker.
"Iyan ang kahalagahan ng pagkilala natin sa Manila Bulletin dahil sinusuportahan nito ang maingat at malayang pamamahayag. Kasi ang freedom natin, freedom of expression... freedom of the press, hindi naman 'yan absolute, we have to be responsible pa rin sa mga balitang inilalabas natin dahil mapanganib kung hindi tayo mapagsiyasat, kung ano agad 'yong nabasa nila, iyon ang paniniwalaan, so kailangan responsable ang ating pamamahayag," giit pa niya.
Natanong din sa kaniya kung sa palagay niya, relevant pa ba ang pagbabasa ng nakaimprentang diyaryo kahit na nagkalat na ang mga balita online, lalo na sa social media, at naihahatid na ito ng kahit na sino, kahit vloggers.
"Meron tayong legit journalists na talagang may disiplina, pinag-aaralan niya ang journalism, ilang taon siya sa kolehiyo. Meron tayong code of conduct na sinusunod," aniya.
Kaya naman sa palagay niya, very relevant pa rin ang pagbabasa ng mga pahayagan, kagaya na lamang ng Manila Bulletin.