Ang monitoring ng blood pressure ay isa sa mga susi para sa maayos na kalidad ng buhay dahil nababawasan nito ang panganib ng pagkapit ng maraming sakit.
Ayon sa Wake Forest University School of Medicine, ang pagkakaroon ng maayos na blood pressure ay nakatutulong para mabawasan ng 30 hanggang 40% ang risk factors ng health attack, heart failure, at stroke, at 20% naman para sa memory loss at dementia.
Dahil dito naging viral sa social media ang post ni Dr. Carlo Trinidad, isang espesyalista sa Adult Nephrology mula sa University of the Philippines (UP) - Philippine General Hospital (PGH), kung saan, ibinahagi niya ang blood pressure monitor chart ng kaniyang pasyente.
“Itong pasyente ko, super sipag mag monitor ng blood pressure sa bahay! Ganda ng mga BP nya at pasok sa recommended na <130/80,” saad ni Trinidad sa kaniyang post.
Makikita sa nasabing post na naka-record ang blood pressure ng pasyente araw-araw, tuwing umaga at gabi.
Dito ay hinikayat ng doktor ang netizens sa kahalagahan ng pagmo-monitor ng kanilang blood pressure sa bahay.
“Home BP monitoring is recommended para mas ma-gauge ang overall BP trends and makatulong sa decision making ng inyong mga doktors with regard to dose adjustment ng mga gamot,” aniya.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Dr. Trinidad, sinabi niyang mayroong dalawang pagpipilian para i-monitor ang blood pressure–ang “manual” at “digital” blood pressure monitor device.
“In an ideal world, manual pa rin ang pinakamaganda, siya ‘yong pinaka-accurate,” saad ni Trinidad.
“However, it depends on many factors. Number one, hindi mo puwede gawin ‘yan ng mag-isa. Kailangan mayroong magbi-BP para sa’yo. Kailangan marunong siya gumamit nang tama ng stethoscope , alam niya ‘yong pakikinggan niya, ‘yong tamang pagbalot ng cup ng blood pressure, ‘yong speed ng sphygmomanometer. So, kung hindi ka marunong gumamit ng stethoscope, o kung mag-isa ka lang sa bahay, hindi mo siya magagawa nang maayos,” dagdag pa niya.
Sa kabilang banda, ang digital BP monitor device ay mainam para sa sa mga pasyente na mag-isa sa bahay.
“The good thing with automated BP control is it empowers the patients na kahit sila mismo ang gumawa, self-service [ay] kayang-kaya. It’s fairly accurate.” aniya.
“You just have to know the proper technique. For example, kailangan pag-magbi-BP ka, dapat nakaupo ka, may sandalan, nakalapag ang parehong paa, hindi nakadequatro, dapat nakalatag ang braso sa lamesa, hindi siya puwedeng nakataas o nakababa , dapat level siya ng heart, at dapat, hindi ka nagsasalita, hindi ka nakainom ng kape bago ka mag-BP. Dahil lahat ng iyon, nakaaapekto sa measurement ng BP,” paliwanag ni Trinidad.
Sa pagbili ng monitoring device, importante rin daw na isaalang-alang ang kalidad at mga feature ng BP monitoring device.
“Maybe you have to check the brand itself, maybe a reputable brand. Check niyo rin if masyadong mura, questionable din ‘yong quality. So, tignan niyo rin. But definitely, most naman ng ibinebenta sa mga drugstore, okay naman siya for home use,” saad ni Trinidad.
“Lahat naman ‘yon may pare-parehas na feature. Pinapakita ‘yong systolic at diastolic blood pressure, may heart rate. May ibang feature na nice to have pero hindi naman required. Nai-istore niya, may memory, or mayroon din ‘yong iba, de-saksak at battery. Maganda kung parehong mayroon,” paglilinaw niya.
Ibinahagi rin ni Trinidad na 120/80 ang normal na blood pressure range para sa lahat ng adults, sa kahit anong edad.
“Ang normal BP for all adults remains the same, no matter the age. So that’s 120/80 or less,” aniya.
“Above doon, ang consistent kang ganoon, hindi tyamba, dalawang beses o higit pa na more than 140/90, that’s already considered hypertensive,” saad naman niya sa BP na dapat ikaalarma ng mga pasyente.
“Ngayon, ‘yong pagitan, ‘yong tinatawag nating prehypertension, kung saan, kung hindi ka mag-iingat, puwedeng mag-proceed to hypertension,” dagdag ni Trinidad.
Para naman daw sa “Super Elderly” o mga nasa edad 80 pataas, mahalagang tandaan na delikado ang biglaang pagbaba ng BP.
“Sa mga matatanda, especially 80, ‘yong super elderly na 80 pataas, mas lenient tayo. Kahit 150/90 ang target BP natin, okay lang sa kanila, dahil mas delikado sa mga nasa age group na ito ang biglang bumagsak ang BP kaysa ‘yong mataas,” paliwanag ng Doktor.
“Ito ‘yong population na kapag biglaang bumagsak ‘yong BP nila, puwede silang maospital, puwede nilang ikamatay,” dagdag pa niya.
Para sa mga nasa edad 80 pababa, ang pinaka-“safe” na blood pressure range ay 140/90 o mas mababa pa.
“For all the rest, less than 80 years old, 140/90 or less, is the safe parameter, safe target ng BP natin. Siyempre kung mas bata, kung kaya mong iabot sa mas normal, which is close to 120/80, then all the more that’s even better,” aniya.
Ibinahagi pa ni Trinidad na isa ang “asin” sa mga nagpapataas ng blood pressure ng tao.
“Important sa atin ang asin, dahil ang asin ay isa sa mga nagpapataas ng blood pressure ng tao. Nasa physiology na natin ‘yan,” paliwanag niya.
“So kung babawasan ang asin sa diet, iwas sa de-lata, bawas sa fast food, bawas sa mga toyo, sa mga patis. Ang recommended nga natin ay one teaspoon ng salt a day or two grams ng sodium a day ang limit. Tignan niyo ‘yan sa nutrition facts,” abiso ni Trinidad.
Bukod pa rito, mahalaga rin daw na bantayan ang mga pagkain na “hidden sources” ng asin tulad ng ketchup at mga pagkaing mula sa fast food.
“Maraming mga pagkain na hidden sources ng salt tulad ng ketchup. Siyempre ‘yong mga fast food, ‘yong mga processed food, mataas ‘yan, kaya nga sila nagtatagal kasi preservative ang salt,” aniya.
“Hindi ko naman sinasabing huwag silang kumain no’n, but more of, be mindful sa kung anong kinakain natin. Hindi naman natin maiwasan, for example, kung ang pasyente, ang access lang nila ay puro de-lata, paano kung nasalanta, kung mga refugee sila, at ang access lang nila ay mga ayuda, wala tayong magagawa doon,” dagdag pa niya.
Samantala, nagbigay din ng tips si Trinidad kung paano mapapababa ang blood pressure. Una rito ang pagkakaroon ng regular exercise at iba pang physical activities.
“Nakakababa ng blood pressure ang regular activity. Hindi natin kailangan pumunta sa gym, hindi natin kailangan mag-Zumba everyday. Just a simple 7,000 steps a day. Walking is already enough to reduce the risk na magkaroon tayo ng mga cardiac disease, mga heart problem, and makaka-improve siya ng blood pressure,” pagbibigay niya ng importansya sa ehersisyo.
Bukod pa raw rito, mahalaga rin na iwasan ang mga bisyo tulad ng pag-inom ng alcohol at paggamit ng sigarilyo.
“Iwas tayo sa alcohol, alak, ‘yan, malakas magpataas ng BP ‘yan. Sigarilyo, isa pa ‘yan. Kung kayang tumigil sa sigarilyo, itigil na natin,” saad ni Trinidad.
Sa pagtatapos ng panayam, ibinahagi niya na importanteng mataas ang kalinangan ng mga pasyente sa kanilang BP, dahil hindi sa lahat ng oras, mayroong sintomas na lumalabas kapag mataas na ang BP.
“I always tell my patients, ang mataas na BP, most of the time, wala kang nararamdaman. Hindi mo alam mataas na pala BP mo. So, hindi ka aware, hindi ka maggagamot, kung hindi ka magmo-monitor. So, the first thing to do is always monitor,” aniya.
Sean Antonio/BALITA