Bilang pag-alala sa mga kaanak na namayapa na, inilalaan ng maraming Pilipino ang Nobyembre 1 at 2 para dumayo sa sementeryo at mag-alay ng mga pagkain at dasal para sa kaluluwa na sumakabilang-buhay na.
Bukod pa rito, ang Undas ay isang makulay na paggunita, kung saan, naghahalo ang mga sinaunang paniniwala tungkol sa buhay at kamatayan, at doktrina ng katolisismo dahil sa ilang taon ng kolonyalismo.
Ayon sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA), ang paggunita ng maraming Pilipino sa Undas ay mula pa sa paniniwala ng mga sinaunang Pilipino na bumibisita ang kaluluwa ng mga namayapa sa mundo ng mga buhay.
Dahil dito, narito ang ilan sa mga paniniwala na humubog sa makulay ngunit nakakikilabot na paggunita ng Undas:
1. Pagsisindi ng kandila sa tapat ng bahay
Tuwing Undas, naniniwala ang karamihan na maraming kaluluwa ang naghahanap ng kanilang tirahan noong nabubuhay pa ito.
Ang pagsisindi ng kandila sa tapat ng bahay ay isang paraan para matulungan ang kaluluwa para makadalaw ito sa naging tirahan nito sa mundo.
Bukod pa rito, ang kandila ay nagsisilbing alay para sa namayapa at imbitasyon na pumasok sa loob ng bahay.
2. Pag-aalay ng pagkain sa altar at puntod
Ang pag-iiwan ng pagkain sa altar o puntod ng namayapa ay nagsisilbi ring alay para dito, at pinaniniwalaan na nakatutulong para maayos itong makakain bago muling umalis sa mundo ng mga buhay.
3. Pagpag
Sa pagbisita sa sementeryo, pinaniniwalaan na maaaring dumikit ang ilang kaluluwa na mayroong negatibong enerhiya.
Para maiwasan ito, ang pagpag ay gawi na hindi diretsong pag-uwi sa bahay para mailigaw ang kaluluwang ito at ligtas na makauwi sa bahay.
4. Pagwawalis ng sahig
Maraming Pinoy ang naniniwala na ang pagwawalis tuwing panahon ng Undas ay nagpapaalis sa kaluluwa ng namayapa o kaya nama’y nagdudulot ng pagkamatay ng isa pang miyembro ng pamilya.
5. Pag-ulan sa araw ng mga patay
Ang pagbuhos ng ulan sa unang araw ng Nobyembre ay pinaniniwalaang luha ng mga namamayapa dahil sa pangungulila na nararamdaman ng mga ito para sa mga pamilyang naiwan sa mundo.
6. Pagpapausok ng insenso
Isa pa sa mga pag-aalay na isinasagawa para sa mga namayapa ay ang pagpausok ng insenso, na pinaniniwalaang nagbibigay-gabay sa mga kaluluwa sa muli nilang pag-alis sa mundo ng mga buhay.
7. Pagbabawal sa malalakas na tugtog
Ang paniniwalang ito ay parehas na isang pamahiin at “social etiquette” na maituturing.
Ito ay dahil bukod sa nakikita ito bilang kawalang-galang sa mga bumibisita sa sementeryo, ang maiingay na tugtugin ay pinaniniwalaan din na nakabubulabog din sa mga kaluluwa at maaaring magngalit ang mga ito sa ingay.
Sean Antonio/BALITA