Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mas palalawigin pa ng administrasyon ang mga programang pabahay para makapagbigay ng ligtas, maayos, at abot-kayang tirahan para sa bawat Pilipino.
“Ang pagkakaroon ng sariling bahay ay nananatiling mailap para sa marami nating kababayan. May mga pamilyang taon nang nangungupahan, palipat-lipat ng tirahan, laging may pangamba na baka sila’y mapaalis sa kanilang tinitirhan, may iba naman, siksikan sa maliit na kwarto, nagtitiis para lang may masilungan,” pakikisimpatya ni PBBM sa sitwasyon ng maraming Pinoy sa bansa, sa kaniyang talumpati sa National Housing Expo 2025 nitong Huwebes, Oktubre 23.
Dahil dito, binanggit niya na patuloy nagsusumikap ang pamahalaan na palawakin ang kanilang mga programa at pabilisin ang mga proseso para mabigyan ng maayos na pabahay ang bawat pamilyang Pinoy.
“Kaya naman nagsusumikap ang pamahalaan na palawakin ang ating programa, pabilisin ang mga proseso, at palalimin ang inyong suporta sa sektor ng pabahay,” dagdag pa ng Pangulo.
Sa kaniyang talumpati ay binigyang-pagkilala rin ang naging tagumpay ng mga programa, na bunga ng kolaborasyon ng pamahalaan sa mga pampribadong sektor at housing agencies sa pagbibigay nang maayos na serbisyong-pabahay.
“Mayroon tayong programa na Greenlane, na climate-resistant o handa sa kahit anong hamon ng panahon ang inyong mga tahanan,” saad ni PBBM.
Kinilala rin niya ang pagkakaroon ng higit 57, 000 miyembro ng Pag-IBIG (Pagtutulungan sa Kinabukasan: Ikaw, Bangko, Industriya at Gobyerno), na nabigyan ng pagkakataon makalipat sa sarili nilang bahay nito lamang 2025.
“Basta’t usaping pabahay, isa sa mga matatawag at mapapagkatiwalaang katuwang natin ay ang Pag-IBIG. Ngayong taon lamang, sa pamamagitan ng Pag-IBIG, mahigit 57,000 miyembro ang nabigyan ng pagkakataon na makalipat sa sariling bahay o mapaayos ang kanilang tinitirhan,” masayang pagbabahagi ng Pangulo.
Idinagdag din niya na halos ₱ 75 bilyon ang naipamahaging cash loan ng ahensya na nakatulong sa halos sa tatlong milyong miyembro para matugunan ang kanilang agarang pangangailangan.
Sa ilalim naman ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (4PH) Program, marami pang Pinoy ang nagkaroon ng access sa abot-kayang housing assistance.
“Sa pamamagitan ng Pag-IBIG Fund, maaari nang makakuha ng abot-kayang housing loan, kabilang na ang alok na tatlong porsyentong interest rate kada taon para sa mga kababayan nating maliit ang kita,” pagtitiyak ni PBBM.
Kabilang din dito ang Filipino Overseas Workers (OFWs) at ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sa pagdaraos din ng National Shelter Month, magkakaloob din ng Notices of Approval ang pamahalaan para sa mga pamilyang mula sa Los Baños, Laguna; Lucena City, Iloilo City, at Caloocan City, na pinagkalooban Certificates of Entitlement sa bisa ng isang Presidential Proclamation.
“Sa wakas, pormal nang mapapasainyo ang mga lupang matagal na ninyong tinitirahan,” pagtitiyak ni PBBM.
Sa pagtatapos ng kaniyang talumpati, binanggit ng Pangulo na bawat pangarap, basta nabigyan ng suporta mula sa pamahalaan, ay kayang maging reyalidad.
Sean Antonio/BALITA