Iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang insidente ng sunog sa tanggapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Quezon City, ayon kay NBI Director Jaime Santiago nitong Huwebes, Oktubre 23, 2025.
“Ngayon po, babalik po ang aming team kasama ang forensic investigators para malaman natin kung ano ba talaga ang sanhi bakit nagkaroon ng ganoon,” ani Santiago.
Ito ay kasunod ng panawagan ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla sa NBI na alamin ang pinagmulan ng sunog at kung may naganap na panununog, lalo na sa gitna ng umiiral na imbestigasyon kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga flood control project.
Batay sa paunang impormasyon, nagsimula ang apoy sa ikatlong palapag ng gusali bandang 12:39 ng tanghali dahil umano sa “octopus electrical connection,” ayon kay Santiago.
“Ganoon po. Mga unsafe, improper, hazardous use multiple electrical cords and extension wires, doon po nag-umpisa,” saad ni Santiago.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ni DPWH Secretary Vince Dizon na batay sa inisyal na pagsisiyasat ng Bureau of Fire Protection (BFP), ang sunog ay dulot ng electrical failure.
“The BFP has given its initial result of its investigation, saying that there was an electrical failure in one of the ceilings on the third floor… so this also corrects the initial information that there was a computer unit that exploded,” ani Dizon.
Nang tanungin kung hindi isinasantabi ng NBI ang posibilidad ng foul play, sinabi ni Santiago na tinitingnan ng kanilang opisina ang lahat ng anggulo.
“Hanggat hindi talaga na imbestigahan ng masusi, hindi namin niru-rule out lahat ng mga possibilities,” anang kalihim.
Kasulukuyan ding nakaselyo ang lugar habang nagpapatuloy ang mas malalim na imbestigasyon.