Nanumpa si Presidential Adviser for Poverty Alleviation Sec. Larry Gadon bilang Auxiliary Rear Admiral ng Philippine Coast Guard Auxiliary (PCGA) noong Miyerkules, Oktubre 22.
Ibinahagi ni Sec. Gadon sa kaniyang Facebook post nitong Huwebes, Oktubre 23, na siya umano ay nanilbihan na sa naturang institusyon simula pa 2003. Aniya, ang bagong promosyong natanggap ay isang pagpapatuloy ng misyong magsilbi at magprotekta.
“Nuong 2003 ako ay nagsisilbi na sa Philippine Coast Guard Auxiliary bilang Auxiliary Commander. Ngayon, October 22, 2025 ako ay nanumpa muli bilang Rear Admiral,” ani Sec. Gadon.
“Ang pag serbisyo sa PCG ay isang simbolo ng ating pagiging Makabayan. From past duty to renewed commitment, the mission to serve and protect continues,” saad pa niya. “Maraming salamat kay Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan sa pagkakataon na ito at sa buong kinatawan ng Philippine Coast Guard at Philippine Coast Guard Auxiliary.”
Matatandaang humarap sa kontrobersiya kamakailan ang PCGA matapos mapag-alaman ni Senador Risa Hontiveros na naging miyembro ng institusyon ang isang Filipino-Chinese businessman simula pa noong 2018.
“Bagama’t voluntary at non-government ang PCGA, nakakalungkot isipin na nagka-access si JOSEPH SY sa mga tao at events kung saan maaaring napag-uusapan ang national security. Hindi lang local na pamahalaan ang pinasok, nakalapit na din sa mismong coast guard— ang mismong naatasang pangalagaan ang seguridad ng ating dagat,” ani Sen. Risa.
KAUGNAY NA BALITA: 'Parang si Alice Guo Part 2?' Sen. Risa, naalarma sa isang PCGA member-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA