Inilabas ni Sen. Joel Villanueva ang mga umano’y dokumentong matagal na raw na-dismiss ang kaso sa kaniya noon sa Ombudsman.
Nitong Huwebes, Oktubre 23, 2025 nang igiit ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na susulat daw siya kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, para sa posible umanong dismissal kay Villanueva bunsod umano ng 2016 dismissal order sa kaniya noon.
Bilang depensa ni Villanueva nitong Huwebes, iginiit niyang inasahan na raw ng kaniyang kampo ang nasabing pangha-harass sa kaniya na dinagdagan pa raw ng fake news.
“Self explanatory po. We already anticipated possible harassment plus fake news,” anang senador.
Mababasa sa tatlong dokumentong isinapubliko ni Villanueva na na-dismiss na raw ang kaso niya bunsod noong Hulyo 31, 2019.
“In fact, there is no probable cause against Villanueva…the signatures appearing on top of his name were obviously forged… Accordingly, the present case hereby DISMISSED,” saad ng dokumento.
Kabilang din sa dokumentong inilabas ni Villanueva ay ang isa umanong clearance na inilabas noong Setyembre 10, 2025.
“This certified that our records show that as of 09 September 2025, Emmanuel Joel Jose Villanueva… has no pending criminal and administrative cases with the Office of the Ombudsman,” saad nito.