Isang lady rider ang patay nang masagaaan ng isang modern jeepney na nakasagi sa kaniyang sinasakyang motorsiklo sa Antipolo City sa Rizal nitong Miyerkules, Oktubre 22.
Kaagad na binawian ng buhay ang biktimang si alyas "Venus," bunsod ng tinamong matinding pinsala sa ulo at katawan.
Samantala, arestado at mahaharap naman sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property ang suspek na si alyas "Rod," na residente ng Brgy. Inarawan, Antipolo City.
Batay sa ulat ng Antipolo City Police, nabatid na dakong alas-9:50 ng umaga nang maganap ang aksidente sa Marcos Highway, sa Brgy. Mayamot, Antipolo City.
Nauna rito, lulan ang biktima ng kaniyang motorsiklo at binabagtas ang Marcos Highway mula Masinag Intersection patungong SM Masinag, Antipolo City.
Gayunman, pagdating sa naturang lugar ay bigla na lang itong nasagi ng kasabay na modern jeepney, na minanamaneho naman ng suspek.
Dito na nawalan ng balanse ang biktima at bumagsak sa kalye. Nasagasaan ng hulihang gulong ng modern jeepney ang biktima na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.
Kaagad din namang naaresto ng mga awtoridad ang suspek at nakapiit na sa Custodial Facility ng Police Community Precinct 1 (PCP 1) ng Antipolo City Police.