Tahasang sinagot ni Blen, isang student leader, ang una niyang gustong ayusin, kung siya man ay ang maging Pangulo ng bansa.
Ibinahagi niya ito sa “It’s Showtime” segment na “Laro Laro Pick” nitong Huwebes, Oktubre 23, kung saan siya ay naglaro bilang isang contestant.
Ibinato sa kaniya ni It’s Showtime host Jhong Hilario ang tanong na “Kung sakaling ikaw ay magiging lider ng ating bansang Pilipinas, ano ba ang una mong gustong ayusin?”
“Kung ako man po ay magiging lider sa ating bansa ‘no, unang-una ko pong gagawin ay ang gumawa ng isang resolusyon na kung saan gagawing minimum wage ‘yong mga sahod ng mga politician,” sagot ni Blen.
“Kasi naniniwala po ako, naniniwala po ako, na bawat politician, kung gugustuhin po nilang makatulong sa kanilang kapwa at kanilang mga nasasakupan, wala po, balewala po sa kanila ‘yong kikitain nila,” saad pa niya. “Ang mahalaga po kasi sa kanila dapat, ay makatulong at mapaglingkuran nang maayos ‘yong kanilang mga mamamayan.
Tila pabor din ang “madlang pipol” at pinalakpakan siya matapos sagutin ang naturang tanong.
Matatandaang kamakailan lamang ay itinaas ang minimum wage sa National Capital Region (NCR) mula sa ₱645, ito ay dinagdagan ng ₱50, at naging ₱695 na sa kasalukuyan.
KAUGNAY NA BALITA: ₱50 new wage hike sa NCR, epektibo sa Biyernes, Hulyo 18-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA