December 14, 2025

Home BALITA National

Kinilala ng NHCP: Manila Bulletin, nagsagawa ng unveiling ceremony para sa 'historical marker'

Kinilala ng NHCP: Manila Bulletin, nagsagawa ng unveiling ceremony para sa 'historical marker'
Photo courtesy: John Louie Abrina/MB

Isinagawa ang pagpapasinaya sa panandang pangkasaysayan o historical marker para sa Manila Bulletin, na ipinagkaloob ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas o National Historical Commission of the Philippines, ngayong umaga ng Huwebes, Oktubre 23, sa mismong bulwagan ng Manila Bulletin Publishing Corporation sa Intramuros, Maynila.

Pinangunahan ang pag-unveil sa tabing ng historical marker ng mga ehekutibo ng Manila Bulletin at NHCP. Ito ay sina Deputy Executive Director for Programs and Projects National Historical Commission of the Philippines Alvin R. Alcid, National Historical Commission of the Philippines Executive Director Carminda R. Arevalo, Manila Bulletin Chairman Basilio C. Yap, at Manila Bulletin President Emilio C. Yap III.

Dinaluhan at sinaksihan ito ng iba pang board members, editorial team, mga mamamahayag, empleyado, at mga panauhin ng Manila Bulletin.

Nagbigay ng pambungad na pananalita si Manila Bulletin Executive Editor Edgardo "Ed" Bartilad upang magpasalamat sa NHCP sa pagpapaunlak na kilalanin ang pahayagan at kompanya bilang isa sa mga nagbigay ng ambag sa kultura at kasaysayan ng bansa.

National

Sen. Robin, 'di na trip tumakbo sa Halalan 2028

Pormal namang ipinagkaloob ni NHCP Executive Director Carminda R. Arevalo ang sertipiko ng pagkilala para sa historical marker ng Manila Bulletin, sa pamamagitan ng isang talumpati.

Pagkaraan, malugod naman itong tinanggap ni Manila Bulletin President Emilio C. Yap III ang pagkilala ng NHCP, at nagpasalamat sa kanila. 

Aniya, "Ngayon, isang makasaysayang araw ang tinutunghayan natin hindi lamang para sa Manila Bulletin, kundi para sa bawat Pilipinong naniniwala sa kapangyarihan ng pamamahayag, sa katotohanan, at sa kasaysayan."

"Sa loob ng 125 taon, naging saksi at tagapaghatid ang Manila Bulletin sa mahahalagang pangyayaring humubog sa ating bansa, mula sa mga panahon ng digmaan at pakikibaka sa kalayaan, hanggang sa mga pagsubok at tagumpay ng makabagong lipunan."

"Hanggang ngayon, nananatiling tapat ang Manila Bulletin sa mga pagpapahalaga, prinsipyo at misyon nitong maging makatarungan, wasto, walang kinikilingan, malaya, at mahusay sa pagsulat."

"Patuloy na sinisikhay ng Manila Bulletin ang kapakanan ng bansa at ng sambayanang Pilipino, kahit pa sa mga pagkakataong kailangang maging mapanuri o kritikal."

"Ang historical marker na pinasinayaan natin ngayon ay hindi lamang isang palatandaan sa pisikal na anyo. Isa itong paalala, na ang katotohanan ay kailangang ipaglaban, na ang malayang pamamahayag ay dapat pahalagahan, at ang kasaysayan ay dapat alalahanin upang patuloy tayong matuto at umunlad."

"Lubos po ang ating pasasalamat sa Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas o National Historical Commission of the Philippines, sa pangunguna ng chairperson nitong si G. Regalado Trota, Jr., nang pagbigyan niya ang aming hiling na isaalang-alang ang paglalagay ng isang panandang pangkasaysayan o historical marker sa Manila Bulletin para sa pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo noong Pebrero 2, dahil naniniwala kaming ito ay isang napapanahong pagkakataon upang kilalanin ang mahalagang ambag ng aming pahayagan sa kasaysayan at kultura ng Pilipinas."

"Ang isang historical marker ay magsisilbing pangmatagalang patunay sa ginampanang papel ng Manila Bulletin sa paghubog ng kasaysayan ng bansa."

"Nawa’y magsilbing inspirasyon ang historical marker na ito sa mga susunod na henerasyon ng mga mamamahayag, na sa bawat salitang kanilang isusulat, mga balitang ihahatid at ilalahad, ay may kasaysayan, dangal, at pagmamahal sa bayan."

"Mabuhay ang malayang pamamahayag! Mabuhay ang Manila Bulletin! Mabuhay ang Pilipinas!" saad pa ni Yap. 

Pagkaraan, nagsagawa na ng paglagda ang mga ehekutibo ng Manila Bulletin at NHCP upang gawing pormal ang sertipiko ng pagkilala para sa historical marker ng pahayagan.