Nagpahayag ng pakikisimpatya si Department of Education (DepEd) Sec. Sonny Angara sa mga iniindang pagod ng mga guro at mag-aaral sa anunsyong “Mid-School Year Wellness Break” nitong Huwebes, Oktubre 23.
Ang nasabing “Wellness Break” ay magsisimula sa Oktubre 27 hanggang 30, sa layong mabigyan ng panahon ang mga guro at mag-aaral na makapagpahinga at magkaroon ng oras sa kanilang pamilya.
“Sa bawat pagbisita ko sa mga paaralan, lagi kong naririnig ang pagod ng ating mga guro at mag-aaral. Kaya minabuti naming magtakda ng mid-school year wellness break simula Oktubre 27–30, 2025. Panahon ito para makapagpahinga, makabawi ng lakas, at makasama ang pamilya,” saad ni Angara sa kaniyang Facebook post.
Isinaalang-alang din ng DepEd ang kalagayan ng mga eskwelahan na tinamaan ng mga kamakailang pagbagyo at paglindol, maging ang mga nagkasakit dahil sa flu season.
“Marami sa ating mga guro at mag-aaral ay galing sa mga lugar na tinamaan ng bagyo at lindol, o tinamaan ng trangkaso. Kaya kaunting pahinga muna, mga ka-DepEd!” dagdag pa ng Kalihim.
Sa karagdagang ulat, unang inanunsyo ng ahensya ang “Wellness Break” noong Miyerkules, Oktubre 22, bilang pagamyenda na rin sa ilan probisyon ng DepEd Memorandum–Office of the Undersecretary for Learning Systems-2025-095 alinsunod sa Department Order No. 12, s. 2025, na nagsasaad ng school calendar.
Inaabiso rin ng ahensya na i-reschedule ng mga guro ang kanilang mga In-Service Training (INSET) sa ibang petsa o gamitin sa iba pang aktibidad.
Kung hindi na ito posible, maaaring ituloy na lamang ang INSET sa boluntaryong paraan, at ang mga gurong sasali rito ay exempted na sa mga katulad na pagsasanay sa ibang bahagi ng taon.
Sean Antonio/BALITA