Nagpaabot ng isang babala sa publiko ang Malabon City Police Station - National Capital Region Police Office sa mga indibidwal na kumukuha ng kable ng kuryente sa panahon ng sunog, matapos tupukin ng apoy ang isang residential area sa Sitio 6, Brgy. Catmon, Malabon City noong Miyerkules, Oktubre 22.
Ibinahagi nila sa kanilang Facebook post nitong Huwebes, Oktubre 23, ang nasabing babala, at ang maaaring kaharapin kung ito may ay subukang gawin.
“Ipinapaalala sa lahat na mahigpit na ipinagbabawal ang pagkuha o pagputol ng mga kable ng kuryente sa panahon ng sunog. Ang sinumang mahuhuling magnanakaw ng kable ay sasampahan ng kaukulang kaso at haharap sa mabigat na parusa alinsunod sa batas,” anila.
“Ang ganitong gawain ay hindi lamang ilegal, kundi nakapagdudulot din ng panganib sa buhay ng mga biktima ng sunog at sa mga tumutulong na otoridad. Makipagtulungan sa mga awtoridad. ipaalam agad sa aming himpilan (0998-598-7864) kung may makikitang kahina-hinalang kilos o indibidwal,” dagdag pa nila.
Ito ay kaugnay sa isang kumakalat na video ng isang lalaking humihila at pumuputol ng mga kable ng kuryente sa tapat ng isang simbahan sa nasabing lugar.
Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), itinaas ang nasabing sunog sa Task Force Alpha, at halos 1,500 bahay ang natupok bunsod nito.
Vincent Gutierrez/BALITA