Natagpuan na ang bangkay ng mag-asawang senior citizen na natabunan ng lupa sa gumuhong bahagi ng Bukidnon-Davao Highway noong gabi ng Oktubre 18, 2025.
Ayon sa mga ulat, kinilala ang mga biktima na sina Ely at Thelma Ubatay na natagpuan nitong Huwebes, Oktubre 23 matapos ang limang araw ng paghahanap. Natunton ang mga ito ng search and rescue dogs ng 10th Infantry Division at tinulungang ilabas gamit ang mga backhoe.
Nauna nang natagpuan ang kanilang sinasakyang bao-bao at mga personal na gamit nitong Linggo, Oktubre 19.
Matatandaang kasunod ng pagguho ng nasabing bahagi ng kalsada, ipinag-utos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pansamantalang pagsasara ng kahabaan ng naturang highway.
Ayon sa opisyal na pahayag ng DPWH nitong Linggo, Oktubre 19, inihayag ng nasabing ahensya na nakapag-deploy na sila ng mga tauhang mag-assess sa kabuuang pinsala ng nasabing kalsada.
“The Department of Public Works and Highways (DPWH) has already mobilized teams to assess the damaged Bukidnon-Davao City (BuDa) Road in Palacapao, Quezon, following President Ferdinand Marcos Jr.’s directive to ensure complete mobility and inter-province connectivity for motorists and movement of essential goods between the two provinces,” anang DPWH.
Saad pa ng DPWH, “Public Works Secretary Vince Dizon has ordered the immediate temporary closure of the road while the assessment team investigates.”
KAUGNAY NA BALITA: DPWH, ipinatupad 'temporary road closure' sa gumuhong bahagi ng Bukidnon-Davao City Road