January 07, 2026

Home BALITA

'Alay sa puting duwende?' Dalawang pekeng albularyo, nilimas pera at alahas ng biktima

'Alay sa puting duwende?' Dalawang pekeng albularyo, nilimas pera at alahas ng biktima
Photo courtesy: Pexels, via Valenzuela Police

Sa kulungan ang bagsak ng dalawang magtiyahing nagpanggap na albularyo matapos limasin ang pera at mga alahas ng biktimang pinangakuan umano nila na papagalingin. 

Ayon sa ulat ng Unang Balita, isang news segment sa Unang Hirit, nitong Huwebes, Oktubre 23, 2025, nagpakilala umanong albolaryo ang 50-anyos na babaeng suspek at pamangkin niyang 34 taong gulang sa kanilang biniktima na nakilala nila sa palengke sa Valenzuela.

Pinangakuan umano nila na gagamutin ang asawa ng nasabing biktima ngunit kailangan daw munang alayan ang isang puting duwende. Ang nasabing duwende raw kasi ang magpapagaling sa asawa ng biktima.

Lumalabas sa imbestigasyon na tinatayang nasa ₱300,000 ang kabuuang halaga na natangay ng mga suspek mula sa biktima, kasama na ang mga alahas.

'Nakakapirma pa rin eh!' Sen. Imee, ipinagtanggol pagiging 'MIA' ni Sen. Bato

Samantala, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang dalawang suspek matapos silang maaresto sa isang bus station.

Narekober sa kanila ang perang tinangay sa biktima kasama na rin ang mga alahas.

Depensa ng mga suspek, nagawa lang umano nila ang kanilang modus, dulot ng pangangailangan.

Nahaharap sa kasong estafa ang mga suspek na nasa kustodiya na ng Valenzuela Police.