Nakataas na ang tropical wind signal no. 1 sa ilang lugar sa Northern Luzon dahil sa bagyong Salome, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), Miyerkules, Oktubre 22.
Base sa 11:00 AM weather bulletin ng PAGASA, namataan ang bagyo sa layong 255 kilometro North Northeast ng Itbayat, Batanes.
Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 55 kilometers per hour at pagbugsong 70 kilometers per hour. Kumikilos ito pa-south southwestward sa bilis na 15 kilometers per hour.
Dahil dito nakataas na sa wind signal no. 1 ang mga sumusunod na lugar:
Batanes
Western portion ng Babuyan Islands
Northwestern portion ng Ilocos Norte (Bangui, Pagudpud, Burgos, Pasuquin, Bacarra, Laoag City)
Ayon sa weather bureau, posibleng mag-landfall ang bagyong Salome sa Batanas mamayang gabi o bukas ng umaga.
Inaasahan namang lalabas ito ng Philippine Area of Responsibility sa Biyernes, Oktubre 24.
Si Salome ang ikaapat na bagyo ngayong Oktubre, at ika-19 ngayong 2025.