Nakipag-ugnayan na si Basilan forward Arwind Santos kay GenSan big man Tonton Bringas matapos ang kanilang pisikal na komprontasyon sa Game 2 ng South Division quarterfinals ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) noong Lunes, Oktubre 20.
Humingi ng paumanhin si Santos sa insidenteng nauwi sa pagsuntok niya sa mukha ni Bringas bilang ganti, at nag-alok din itong tumulong sa gastusin sa pagpapagamot ng kalaban. Nagkaroon ng sugat sa talukap ng mata si Bringas at sinuri ng mga doktor ang posibilidad ng pinsala sa paningin at ilong nito.
Namagitan sa usapan ng dalawang kampo sina MPBL commissioner Kenneth Duremdes at player agent Danny Espiritu. Sa mensaheng ipinadala ni Santos sa pamamagitan ng Basilan team manager na si Bernard Yang, sinabi ng beteranong forward na nais niyang ayusin ang insidente.
“Only I can say is 'di na importante sa akin kung sino ang tama o mali, ang importante sa'kin kung ano gusto ng ating Panginoon at yun walang iba kundi ang magpakumbaba,” ani Santos sa nasabing mensahe.
Gayunman, sa iba pang anggulong kumalat sa social media, makikitang si Bringas umano ang unang tumama kay Santos habang nagbabakawan sa posisyon bago gumanti ang huli at sumuntok.
Napalabas si Santos sa laro matapos ang insidente, ngunit nanalo pa rin ang Basilan kontra GenSan, 116-112, sa double overtime upang ipilit ang do-or-die Game 3.
Matatandaang nauwi sa pananapak ang girian at pisikalan sina Santos at power forward ng Gensan Warriors na si Anthony “Tonton” Bringas sa South Division quarterfinals match ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) sa Malolos, Bulacan noong Lunes, Oktubre 20, 2025.
KAUGNAY NA BALITA: Arwind Santos, binigwasan si Tonton Bringas sa MPBL