Hindi umano hahayaan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na mas tumaas pa ang buwis na binabayaran ng mamamayang Pilipino.
Ayon sa naging pahayag ni Sotto sa Kapihan sa Manila Bay nitong Miyerkules, Oktubre 22, pinabulaanan niya ang paninirang ibinabato umano sa kaniya ng mga tao na tataasan daw niya ang pagbabayad ng buwis.
“Hindi, wala. Hindi [tayo papayag] na taasan [‘yong tax]. ‘Yon nga ang paninira ng mga basher sa akin, e,” pagsisimula ni Sotto.
“Itataas ko raw ang tax? Ano? Nasisira ulo nila, ibaba ko pa ‘yong tax,” pagdidiin pa niya.
Pagpapatuloy ni Sotto, matino raw siyang nagbabayad ng buwis noon pa.
“Wala, never, since 1992, basta tax ‘yong pinag-uusapan, ano ako doon, e. Pero ako, ano ako talaga, ako’y matinong magbayad ng tax,” anang Senate President.
“Isa ako sa mga matataas [o] malaki magbayad ng tax. Hindi ako nandadaya at saka hindi ako nagtitipid pagbabayad ng tax,” paglilinaw pa niya.
Pagmumungkahi ni Sotto, dapat mangolekta ng buwis ang gobyerno sa taumbayan nang patas at matino.
“Ang pinakamaganda, kumolekta ka nang matino[...] Ako, nagagalingan ako sa commissioner ngayon ng BIR [Romeo D. Lumagui Jr.] Baka sakali, mas gumanda ang ‘ika nga’y income ng gobyerno,” aniya.
“Sana husayan din ng BOC. Para hindi sila nakakaisip ng magdadagdag ng tax. Dapat nga magbawas, e,” paggigiit pa ni Sotto.
Ani Sotto, bukas siyang pag-aralan ang 12% na Value Added Tax at ibaba ito hanggang 10% para mapakinabangan din ng taumbayan.
“‘Yon ngang VAT, [mula 12%] pag-aralan natin, gawin nating 10[...] Kung mga panahon na gumanda ang koleksyon [ng buwis], gumanda ang ekonomiya, ibaba natin [ang VAT] para makinabang ang mga kababayan natin,” pagtatapos pa niya.
Mc Vincent Mirabuna/Balita