Umani ng samu’t saring reaksiyon online ang teaser ng "Pinoy Big Brother (PBB) Celebrity Collab 2.0" matapos isa-isang ipakita ang mga naging host ng unang season ng nasabing collab—sina Bianca Gonzalez, Robi Domingo, Kim Chiu, Melai Cantiveros, Enchong Dee, Alexa Ilacad, at maging ang mga Kapuso stars na sina Gabbi Garcia at Mavy Legaspi.
Ngunit higit na umingay ang komento ng mga netizen nang sabihin sa dulo ng teaser na may isang “host” na magbabalik sa edisyong ito, na kauna-unahang kolaborasyon ng ABS-CBN at GMA Network pagdating sa reality show production.
Sa comment section ng teaser, marami ang agad na nanghula na si Ultimate Multimedia Star Toni Gonzaga ang tinutukoy, lalo’t siya ang matagal na naging mukha ng *PBB* simula pa noong unang season nito noong 2005.
Isang Facebook page na may pangalang "HOLA" pa ang nag-post ng nakitang silhouette ng babae sa ipinakitang teaser, na tila match sa lumang larawan ni Toni.
Mababasa sa caption, "Toni Gonzaga, hula ng netizens na magbabalik bilang host sa PBB Celebrity Collab Edition 2.0, base sa latest teaser ng programa."
Matatandaang nagbitiw bilang main host si Toni noong Pebrero 2022, matapos siyang mabatikos at macancel ng mga netizen, lalo na ang mga Kakampink, sa pagho-host ng UniTeam proclamation rally, na pinangungunahan ng BBM-Sara tandem.
Kung totoo mang siya nga ang tinutukoy na “mystery host,” magiging ito ang unang pagkakataon na muling mapapanood si Toni sa PBB matapos ang mahigit tatlong taon.
Samantala, narito naman ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens.
"Why not? Kahit maraming hosts, kayang buhatin ni Toni G ang PBB dahil sabi nga ni Direk Lauren Dyogi, siya ang mukha ng PBB."
"Wag na"
"Isantabi natin ang political stance, magaling naman talaga si Toni at very effective ang pagho-host niya ng PBB."
"Imposibleng si Mariel ito hahaha."
"Despite from her issues she's also the best host of Abscbn not just in network but in the whole Philippines"
"We’re in a democracy! Why are you canceling someone just because her political views are not aligned with yours? Everyone has the right to vote for and support the candidate he or she believes in."
"Huwag na, kaya na ni Bianca 'yan and the rest of the host..."
"Toni Gonzaga’s hosting in Pinoy Big Brother is truly iconic. She brings warmth, intelligence, and authenticity that make every season memorable.”
"Yes please. Magaling na host si Tony. Nagkamali lang sya ng sinuportahan na Presidente dati gaya nga milyong-milyong Pilipino."
"Wag mas mataas ang rating pag wla sya baka mabawasan amg manunuod pag binalik."
Sa ngayon, tikom pa rin ang bibig ng ABS-CBN, GMA, at PBB management ukol sa opisyal na lineup ng mga host. Hindi pa rin nagbibigay ng reaksiyon at pahayag tungkol dito ang kampo ni Toni.
KAUGNAY NA BALITA: Toni Gonzaga, pinababalik na sa PBB: 'Miss ka na namin!'