Binanatan ni Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro ang isang private citizen matapos nitong magsumite ng isang liham sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) upang imbestigahan ang umano’y koneksyon ni First Lady Liza Araneta-Marcos at dating special envoy to China for trade, investments, and tourism na si Maynard Ngu.
Ito ay inilahad niya sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Miyerkules, Oktubre 22.
“Unang-una po, ang isang nagpamigay ng Letter of Sentiment, kung ‘di tayo nagkakamali, ito’y nagngangalang John Santander. Para siyang nuisance candidate, na parang binigyan ng pera para bumili ng suka, at isinabay ang pagbibigay ng Letter of Sentiment para dalhin sa ICI,” ani Usec. Castro.
“Kung inyong makakahalubilo muli ang isang John Santander, maaari n’yo po bang itanong sa kaniya kung alam ba niya ang mandato ng ICI? Alam naman natin na ang mandato ng ICI ay mag-imbestiga ng mga maanomalyang flood control projects at mga infrastructure. Sa nabasa natin, alam ko nabasa n’yo rin po ang letter of sentiment, wala po tayong makitang anuman na allegation patungkol sa maanomalyang flood control projects na mag-uugnay sa unang ginang, kay First Lady Liza Araneta-Marcos,” dagdag pa niya.
Kinuwestiyon din niya ang naturang indibidwal kung alam ba nito ang pinanggalingan ng kaniyang sinabi, at kung mayroon umano ba siyang personal na kaalaman hinggil dito—dahil kung wala, ito ay isa lamang hearsay evidence.
“Pangalawang tanong, alam po ba niya kung sino ang source ng kanyang mga sinasabi? Pangatlong tanong, siya po ba ay may personal knowledge sa kaniyang mga sinasabi? Dahil kung walang personal knowledge, ito ay magsisilbing hearsay evidence. Kung hearsay evidence, ito po ba dapat ay binibigyan pa ng pagtutuon at seryosong konsiderasyon? Ito po ba ay isang phishing expedition lamang para siraan ang unang ginang?” aniya.
“So ito po naman ay nasa kamay na ng ICI, ibinigay lamang po natin ang ating pahayag patungkol po dito dahil nabasa po natin ang letter of sentiment, pati na po ang attachments. Mismo ang mga attachments ay walang nag-uugnay at walang naipakitang anumang ebidensya na magsasabing mayroong anomalyang flood control projects na pinasok ang unang ginang,” dagdag pa niya.
Ibinahagi niya rin sa nasabing press briefing na hindi raw ito bibigyang pansin ni FL Liza sapagkat ito ay isa lamang hearsay evidence.
“Ang unang-una, ang sabi po ng First Lady, ay hindi po niya ito bibigyan ng anumang pansin dahil ito po ay hearsay evidence. Alam po natin ang First Lady ay abogado rin po,” anang press officer.
Isiniwalat din niyang walang binanggit ang unang ginang patungkol sa ugnayan nito kay Maynard Ngu.
Vincent Gutierrez/BALITA