Hindi umano maghihintay ang iba’t ibang grupo ng kabataan sa pagsapit ng Nobyembre 30, 2025 para muling magsagawa ng kilos-protesta laban sa “korapsyong” talamak sa bansa.
Ayon sa naging panayam ng True FM sa Chairperson ng UP Diliman University Student Council na si Joaquin Buenaflor nitong Miyerkules, Oktubre 22, sinabi niyang nakikipag-usap na sila sa mga grupo ng kabataan sa loob at labas ng mga pamantasan.
“Definitely po, hindi kami maghihintay ng November 30,” pagsisimula niya. “Kami mismo ‘yong hihinog sa kondisyon sa paglaban ng mga kabataan.”
“Tuloy-tuloy ‘yong mga student leaders across the country. Mga lider hindi lang ng mga kabataan mula sa pamantasan pero may kabataan din kaming kausap across [interested] organizations. Mayroong hiphop united, mayroong mga members ng iba’t ibang community na nakakausap din namin,” ani Buenaflor.
Pagpapatuloy pa ni Buenaflor, makakaasa raw ang publiko na hindi titigil ang mga kabataan na magsagawa ng kilos-protesta bago sumapit ang nasabing petsa sa malawakang pagkilos sa bansa.
“Definitely, makakaasa kayo na tuloy-tuloy ‘yong paglaban leading to November 30 ng mga kabataan,” saad niya.
Samantala, nagbigay ng mensahe si Buenaflor para sa mga hindi nakikiisa sa mga nagaganap na kilos-protesta sa buong bansa.
“With or without participating, you are affected with this issue. Dikit sa sikmura ‘yong isyu ng korapsyon. Paggising pa lang, may korapsyon agad na nangyayari, ‘yong presyo ng iniinom mong kape, ‘yong presyo ng mga almusal mo, lahat ‘yan may portion na napupunta sa corruption,” paliwanag niya.
“Maging active tayo na mag-participate sa paglikha ng kasaysayan dahil ‘yong mga pagkilos naman ay hindi naman siya for the interest of the youth lang. Interes siya ng sambayanang Pilipino[...]” pagtatapos ni Buenaflor.
Mc Vincent Mirabuna/Balita