December 14, 2025

Home BALITA National

‘May pinaparinggan?’ Usec. Castro, may pasaring sa sanay gumawa ng intriga, magplanta ng ebidensya

‘May pinaparinggan?’ Usec. Castro, may pasaring sa sanay gumawa ng intriga, magplanta ng ebidensya
Photo courtesy: RTVM/YT


Tila may pinapahagingan si Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro sa kaniyang mga pahayag hinggil umano sa mga taong sanay gumawa ng intriga at magplanta ng ebidensya, na may koneksyon sa pagsusulong ng death penalty sa bansa.

Ito ay kaniyang inilahad sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Miyerkules, Oktubre 22.

“Hindi po tayo puwede na umasa at maimpluwensyahan. Dapat mawala sa impluwensya ng mga Pilipino ‘yong mga nakaraang pangyayari kung saan may nag-admit na sila ay sanay gumawa ng intriga at magplanta ng ebidensya,” ani Usec. Castro.

“Paano kung ang inosente ay nagawaan ng intriga at naplantahan ng ebidensya. Death penalty ang maaaring ipataw. Kawawa naman po ‘yong masasabi nating inosente. So ang muling pagpapataw ng death penalty ay dapat inaaral nang malaliman,” dagdag pa niya.

Matatandaang nilinaw ng Palasyo na wala pa umanong pahayag si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. patungkol sa umano’y posibleng pagpataw ng death penalty bilang parusa sa ilang krimen sa bansa, partikular na sa isyu ng malawakang korapsyon.

“Sa ngayon, wala pa pong nababanggit ang Pangulo, pero siyempre sa pag-aaral po, kung ito po ay ipapataw muli at mawawala ang suspensyon o lifting ng death penalty, pag-impose ng death penalty, dapat pong aralin ito dahil hindi lamang po ito bigla-biglang sinasabi nandiyan na ang death penalty, inaaral mabuti dahil po dapat malinis, mabuti, maging maayos itong tinatawag nating Five Pillars of Justice System,” ani Usec. Castro.

MAKI-BALITA: PBBM, wala pang pahayag ukol sa death penalty—Palasyo-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA