Inalmahan ng manunulat na si Katrina Stuart Santiago ang tila pahaging na naiinggit umano ang mga nananawagang iboykot ang Frankfurt Book Fair (FBF) sa mga dumalo rito.
Sa isang Facebook post kamakailan ni Santiago, nilinaw niyang hindi pribilehiyo ang maging bahagi ng naturang book fair kundi isang “underpaid cultural work.”
“Being part of the Frankfurt Bookfair delegation, if you are a nobody writer, part of a small press, and not part of the literary cliques that hold power, is nothing more but UNPAID CULTURAL WORK,” saad ni Santiago.
Ayon sa kaniya, naging bahagi siya ng tatlong moderated discussion sa FBF noong nakaraang taon at walang bayad isa man sa mga ito.
“When I raised this with the group (there was a GC) long before we were to leave, we were told there was no fund for it,” lahad ni Santiago.
Dagdag pa ng manunulat, “As with the 13 Artists of the Cultural Center of the Philippines, members of the delegation were told there would be a fund for flying us to Frankfurt and providing accomodations, but NONE FOR OUR LABOR.”
Bukod dito, wala rin umanong pondong nakalaan para sa mga delegado habang nasa Frankfurt. Tanging budget lang para sa flight at accomodation ang ibibigay sa mga napiling dumalo bagama’t maaaring i-reimburse ang gastos sa pagkain at transportation kung makakapagpakita ng resibo pag-uwi ng bansa.
Matatandaang Pilipinas ang Guest of Honour sa FBF para sa taong ito batay sa pinirmahang kasunduan noong Agosto 2023 sa pagitan ng National Book Development Board (NBDB) at ng presidente at CEO ng nasabing book fair na si Juergen Boos.
Ngunit umigting ang panawagang iboykot ang FBF mula sa hanay ng mga manunulat, akademiko, at manggagawang-kultural dahil sa koneksyon nito sa Israel at sa gobyerno ng Germany na sumusuporta sa pamiminsala sa Gaza.
Maki-Balita: Legarda, unawa pamboboykot sa 2025 FBF: 'But walking away is not the only form of resistance'