Hinimok ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer hinggil sa pay rules na dapat nilang sundin kaugnay ng paggunita ng Undas at Bonifacio Day.
Batay sa inilabas na Labor Advisory No. 13, series of 2025, na inisyu ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma noong Oktubre 21, 2025, pinaalalahanan ng DOLE ang mga employer na dapat nilang bigyan ang kanilang manggagawa ng tamang pasahod sa Oktubre 31, 2025 (All Saints' Day Eve), Nobyembre 1, 2025 (All Saints' Day), at Nobyembre 30, 2025 (Bonifacio Day).
Para sa Oktubre 31 at Nobyembre 1, na kapwa deklaradong special non-working days, sinabi ng DOLE na ipaiiral ang “no work, no pay”, maliban na lamang kung ang kumpanya ay may polisiya o collective bargaining agreement (CBA) na nagbibigay ng sahod para sa nasabing araw.
Samantala, ang mga empleyado na magtatrabaho sa special (non-working) day ay babayaran ng karagdagang 30% ng kanyang arawang sahod sa unang walong oras ng kanyang trabaho o basic wage x 130% habang ang empleyado na nag-overtime ay makakatanggap ng karagdagang 30% ng kanyang orasang kita sa nasabing araw o hourly rate of the basic wage x 130% x 130% x number of hours worked.
Kung ang empleyado ay nagtrabaho sa nasabing araw na natapat sa araw ng kanyang pahinga o rest day, dapat siyang bayaran ng kanyang employer ng karagdagan pang 50% ng kanyang basic wage sa unang walong oras ng trabaho o Basic wage x 150%.
Sakaling mag-overtime naman sa araw ng kanyang rest day, ang empleyado ay dapat na bayaran ng kanyang employer ng karagdagan pang 30% ng kanyang hourly rate para sa nasabing araw o Hourly rate of the basic wage x 150% x 130% x number of hours worked.
Samantala, para naman sa Nobyembre 30, na isang regular holiday sa bansa, nabatid na ang isang empleyado, na hindi pumasok sa trabaho sa nasabing araw, ay maaari pa ring makatanggap ng 100% ng kaniyang arawang sahod, ngunit kailangang siya ay nag-report sa trabaho o kaya ay naka-leave of absence with pay, sa araw ng pasok bago ang regular holiday.
“Where the day immediately preceding the regular holiday is a non-working day in the establishment or the scheduled rest day of the employee, he or she shall be entitled to holiday pay if the employee reports to work or is on leave of absence with pay on the day immediately preceding the non-working day or rest day (basic wage x 100%),” anang DOLE.
Kung pumasok naman ang empleyado sa isang regular holiday, dapat siyang bayaran ng kanyang employer ng 200% ng kanyang sahod para sa unang walong oras ng trabaho sa nasabing araw o basic wage x 200%.
Kung mag-overtime naman ang empleyado o nagtrabaho ng lampas sa walong oras, dapat siyang bayaran ng karagdagan pang 30% ng kanyang hourly rate para sa nasabing araw o hourly rate of the basic wage x 200% x 130% x number of hours worked.
Para sa trabaho namang isinagawa sa isang regular holiday, na natapat sa rest day ng empleyado, siya ay dapat bayaran ng kanyang employer ng karagdagang 30% ng kanyang basic wage na 200% o basic wage x 200% x 130%.
Kung mag-overtime naman ang empleyado sa regular holiday na natapat sa araw ng kanyang pahinga, siya ay dapat na bayaran ng kanyang employer ng karagdagang 30% ng kanyang hourly rate para sa nasabing araw o hourly rate of the basic wage x 200% × 130% x 130% x number of hours worked.