Nilinaw ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na wala umanong nadamay na mga dokumentong may kaugnayan sa flood-control projects sa nasunog nilang opisina sa EDSA-Kamuning sa Quezon City.
Ayon sa naging pahayag ng DPWH nitong Miyerkules, Oktubre 22, kinumpirma nilang walang nasunog na mga dokumentong may kaugnayan sa imbestigasyon sa flood-control anomalies sa natupok nilang opisina ngayong araw.
“The DPWH confirms that no documents related to the ongoing investigation into the flood control anomalies were in the Bureau of Research and Standards (BRS) building that caught fire in Quezon City today,” paglilinaw nila.
Anang DPWH, ipinaliwanag nilang nakatutok lang umano ang DPWH-BRS para sa pananaliksik, pag-aaral, pilot testing, at formulation ng mga polisiya ng mga proyekto ng gobyerno para sa imprastraktura.
Photo courtesy: DPWH (FB)
Anila, sumabog na computer unit sa loob ng kanilang Materials Testing division ang naging sanhi ng nasabing sunog.
“Initial findings indicate that the fire originated from a computer unit inside the Materials Testing Division that reportedly exploded,” pagbabahagi ng DPWH.
“No employees were harmed during the incident,” pagtitiyak pa nila.
Samantala, nagsasagawa na umano sila ng imbestigasyon para matukoy ang halaga ng mga natupok mula sa sunog at upang maiwasan ito sa hinaharap.
“An investigation team to assess the fire incident has been deployed and is currently conducting a thorough assessment to determine the full extent of the damage and to prevent similar incidents in the future,” pagtatapos pa nila.
Mc Vincent Mirabuna/Balita