Nananawagan ang Medical Social Service ng University of the Philippines Manila-Philippine General Hospital (UP-PGH) sa publiko upang matulungan silang mahanap ang mga kamag-anak o kakilala ng pasyenteng si Ignacio Barsaba Gahilan, 77 taong gulang, na kasalukuyang naka-admit sa Emergency Room ng nasabing ospital sa Taft Avenue, Maynila.
Ayon sa ulat ng PGH, si Gahilan ay tubong Ormoc, Leyte at matagal nang naninirahan sa Luneta, kung saan siya nagtinda ng iba’t ibang paninda sa loob ng 13 taon. Lumuwas umano siya ng Maynila matapos masalanta ng Bagyong Yolanda ang kanilang komunidad, trahedyang kumitil din sa buhay ng kanyang asawa at dalawang anak.
Dahil sa paniniwalang wala nang natitirang kamag-anak sa kanilang probinsya, nanatili si Gahilan sa Maynila at hindi na nakabalik sa kanilang lugar.
"Ang Philippine General Hospital -Medical Social Service ay nanawagan sa mga nakakakilala o kamag-anak ng pasyente na si IGNACIO BARSABA GAHILAN, 77 na taong gulang, mula Ormoc, Leyte," mababasa sa panawagang naka-post sa opisyal na Facebook page ng pagamutan.
"Siya ay may 13 taon nang nagtitinda at nainirahan sa Luneta matapos masalanta ng Bagyong Yolanda ang kanilang komunidad na naging sanhi din ng pagkamatay ng kanyang asawa at dalawang anak. Hindi na bumalik sa kanilang probinsya ang pasyente sa paniniwalang wala na syang kamag-anak na natira sa lugar."
"Siya po ay kasalukuyang naka-admit sa Emergency Room ng Philippine General Hospital, Taft Avenue, Manila."
Hinihiling ngayon ng PGH sa sinumang nakakikilala o may impormasyon tungkol sa kanyang mga kaanak na makipag-ugnayan sa Medical Social Service sa mga numerong 0961-073-9095 o (8) 554-8400 local 2513.
Ngayon pa lamang, lubos na nagpapasalamat ang pamunuan ng PGH sa sinumang makatutulong upang maiparating ang naturang impormasyon sa pamilya ng pasyente.