Binasag na ni Kapuso Star Jillian Ward ang kaniyang pananahimik matapos maidikit ang pangalan niya kamakailan sa dating gobernador na si Chavit Singson.
Sa latest episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, Oktubre 21, sinabi ni Jillian na nagsimula ang isyung ito apat na taon ang nakalilipas, 16-anyos pa lamang siya.
“At that time, ayaw ko pong magsalita. Kasi laging sinasabi sa akin, if it’s not real, hindi mo kailangang magsalita. Ta’s every year, nagre-resurface po siya. Then last week, lumabas na naman po siya,” saad ni Jillian.
Dagdag pa niya, “Akala ko pa parang meme lang siya. Kasi sobrang absurd po ng mga kinukuwento nila. So tinawanan ko pa siya no’ng una. Then no’ng nagbasa na po ako ng mga comments, sobrang na-hurt na po talaga ako.”
Ayon kay Jillian, nagdesisyon siyang magsalita na dahil lubhang nakakabastos na ang mga pekeng balitang ibinabato sa kaniya at sa magulang niya.
Pinapalabas kasi ng ilang netizens na galing umano sa benefactor niya ang katas ng mga pinaghirapan niya tulad ng sports car. Tila binabalewala tuloy nito ang ilang taong pagsisikap niya sa industriya.
“Alam n’yo naman, alam ng GMA, alam po n’yo Tito Boy personally na I can afford it with my own money,” aniya.
Sabi pa ni Jillian, hindi pa raw niya nakikita sa personal si Chavit kahit kailan.
“So, hindi ko po talaga alam paano nila nagawa-gawa lahat ng ‘to kasi never ko po talaga siyang na-meet, never ko po siyang nakausap,” anang aktres.
Matatandaang nauna na ring pinabulaanan ni Chavit ang nasabing intriga sa pagitan nila ni Jillian matapos siyang matanong sa isang media conference hinggil dito.
Maki-Balita: Chavit kay Jillian Ward dinidikit, may relasyon ba?