“Bata pa naman ako, di pa ako magkakaroon ng sakit sa buto.”
Ito ay isa sa mga misconception na kadalasang sinasabi ng karamihan tungkol sa pagsasaalang-alang ng kanilang bone at joint health.
Ayon sa Total Orthopaedic Care (TOC), ang katawan ng tao ay mayroong 206 na buto, at katulad ng ibang parte, ang mga buto ay palaging sumasailalim sa mga pagbabago.
Sa karagdagang pag-aaral ng TOC, ang peak ng bone density o ang kapal at tibay ng buto, ay kadalasang nasa edad 25 hanggang 30, at pagkatapos nito’y unti-unti ng nababawasan ang density ng buto.
Kaya para mas mapangalagaan ang mga buto, abiso ng National Health Service (NHS) na kumain ng mga pagkain na mayaman sa calcium at vitamin D.
Ayon pa sa NHS, para sa mga nakatatanda o adults, kailangan ng katawan ng 700mg ng calcium araw-araw, at nakukuha ito sa mga dairy, tokwa, soya beans, tinapay, at mga gulay tulad ng broccoli, repolyo, at okra.
Para naman sa vitamin D, 10 micrograms o 400 IU ang kailangan ng adults sa araw-araw, at nakukuha ito sa mga isda tulad ng salmon, sardinas, at mackerel, at ang pula ng itlog.
Bilang parte ng pag-aalaga at pag-iingat sa kalusugan, narito ang ilan sa mga sakit sa buto na hindi lang seniors ang puwedeng magkaroon:
1. Osteoporosis
Ang Osteoporosis ay isang bone disease na nangyayari kapag ang katawan ay bumubuo ng kakaunti o masyadong maraming buto.
Ito ay nagdudulot para maging mahina at maging prone sa pagkasira ang buto mula sa mga major o minor na aksidente tulad ng simpleng pagbahing.
Ayon sa National Institute of Arthritis and Musculoskeletal and Skin Diseases (NIH), ang Osteoporosis ay isang “silent disease” dahil kadalasan, hindi ito nagpapakita ng kahit anong sintomas.
Sa dagdag na pag-aaral ng NIH, ang mga kababaihang nasa isa o dalawang taon bago ang kanilang menopause ang nasa risk factors ng Osteoporosis.
2. Osteoarthritis
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang Osteoarthritis ay isang degenerative joint condition na nagdudulot ng sakit, pamamaga, at paninigas ng mga kasu-kasuan, na nakaaapekto sa paggalaw ng isang tao.
Kadalasan, nararamdaman ito sa mga tuhod, balakang, gulugod, at kamay.
Bagama’t ito’y laganap sa mga matatanda, ang pagsisimula rin daw ng sakit na ito ay nasa 40 hanggang 50, at maaari rin itong makaapekto sa kabataan, lalo na ang mga atleta o mga indibidwal na nagkaroon ng joint injury o trauma.
Sa karagdagang pag-aaral ng WHO, mahigit-kumulang 60% na indibidwal na mayroon nito ay kababaihan.
3. Gout
Ayon sa Arthritis Organization, ang Gout ay ang pinakakilalang uri ng inflammatory arthritis, na nagdudulot ng biglaan at matinding pananakit ng kasu-kasuan, kadalasan ay sa hinlalaki ng paa.
Maaari rin daw itong maramdaman sa bukong-bukong at tuhod.
Ayon pa rito, kadalasan, kalalakihan ang naaapektuhan ng Gout, mula edad 40, sa kababaihan naman ay matapos ang kanilang menopause, dahil sa pagbaba ng kanilang estrogen.
4. Scoliosis
Ayon sa American Association of Neurological Surgeons (AANS), ang Scoliosis ay ang abnormal na kurba sa gulugod, na kadalasan ay unang nada-diagnose mula pagkabata hanggang early adolescence.
Sa pag-aaral ng Johns Hopkins Medicine, ang Scoliosis ay wala pang alam na sanhi at lunas, at ang early prevention na maaaring gawin sa kasalukuyan ay regular na checkup para maagapan ang kondisyon.
5. Rheumatoid Arthritis
Ayon sa National Health Service (NHS), ang Rheumatoid Arthritis ay isang autoimmune condition, o isang kondisyon na inaatake ng immune system ang sariling katawan.
Sa indibidwal na mayroong Rheumatoid Arthritis, ang antibodies na umaatake sa mga bakterya at mga virus ay napupunta sa lining ng mga kasu-kasuan, na nagdudulot para ito ay sumakit at mamaga.
Ito rin ay nagdudulot ng pagkasira sa mga buto, cartilage, at mga laman na malapit rito.
Ayon pa sa NHS, ang ilan sa posibleng risk factors nito ay ang pagmamana sa pamilya at ang paninigarilyo.
Ang Rheumatoid Arthritis ay kadalasan ding mas tumatama sa kababaihan, at maaaring magsimula sa edad na 25 hanggang 45, ayon sa Medical News Today.
Sean Antonio/BALITA