Nagbigay na ng pahayag si Senador Bong Go matapos siyang sampahan sa Office of the Ombudsman ng kasong plunder ni dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV.
Sa panayam ng media nitong Martes, Oktubre 21, sinabi ni Go na panagutin ang lahat ng dapat managot sa likod ng mga katiwalian. Sa katunayan, ayon sa senador, handa rin daw siyang kasuhan kahit ang pamilya niya.
“Ngayon na nasa Ombudsman na siya, mayro’n naman pong COA [Commission on Audit]. Puwede naman pong tumingin kung mayro’n bang pagkukulang, kung mayro’n bang irregularities dito sa mga proyektong ito. Kasuhan ninyo po,” saad ni Go.
Dagdag pa niya, “Sinasabi ko nga, ako pa mismo, willing po akong kasuhan kahit kapamilya ko, kahit sino pa ‘yan.
Maki-Balita: Sen. Go, handang pakasuhan kaanak niyang sangkot sa umano'y venture sa mga Discaya
Matatandaang bukod kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, kabilang din sa sinampahan ni Trillanes ang ama at kapatid ni Go na kapuwa nagmamay-ari sa dalawang contruction firm na ginawaran ng proyektong nagkakahalaga ng ₱7 bilyon.
Ayon sa ulat, ang relasyon umano ni Go sa dating pangulo ang nagsilbing daan para maibigay sa ama at kapatid niya ang nasabing proyekto.
Maki-Balita: Sonny Trillanes kinasuhan ng plunder si FPRRD, Bong Go, 2 iba pa
Samantala, pinaalala naman ni Go kay Trillanes ang mga sentro ng isyu sa kasalukuyan.
Aniya, “Ang issue dito, ang flood control. Ang issue po dito, anomalous projects. Ang issue po dito, ghost projects. Panagutin n’yo po ang dapat panagutin. Kilala ni Trillanes ‘yan. Kilala niya kung sino ang mga contractors na ‘yan. Kilala niya kung sino ang mga dapat managot dito sa isyung ito.”