Pinasinungalingan ng Palasyo ang kumakalat na usaping nag-resign na umano ang kalihim ng Department of Finance (DOF) na si Ralph Recto.
Sa isang mensaheng ibinahagi ni Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro, nilinaw niyang hindi totoo ang mga nasabing usapin.
“Not true,” ani Usec. Castro.
Matatandaang pinili ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Ralph Recto bilang Finance secretary noong Enero 2024.
Noon namang Mayo 2025, nagsumite ito ng isang courtesy resignation, na naging direktiba kamakailan ng Pangulo sa lahat ng cabinet secretaries ng administrasyon—na siya namang ni-reject din agad ni PBBM.
Naging usap-usapan din ang kumpirmasyon ng Finance secretary kamakailan, kung saan ibinunyag niyang bumagal umano ang pagbabayad ng buwis ng taumbayan dahil sa lumalaganap na korapsyon sa bansa.
“Yes. nararamdaman na ng BIR ‘yan,” ani Recto.
“Medyo ‘yong growth rate ng collection nila, nababawasan ng kaunti. But so far, manageable naman lahat,’ dagdag pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Recto, kinumpirmang bumagal magbayad ang mga tao ng buwis dahil umano sa korapsyon-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA