Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagkakasa ng “One RFID, All Tollways” nitong Martes, Oktubre 21, para sa mas pinadaling biyahe sa buong Luzon.
Sa kaniyang talumpati sa paglulunsad ng “One RFID, All Tollways,” kinilala ni PBBM ang naging “hassle” na dala ng dalawang RFID (Radio Frequency Identification) sa iba’t ibang tollgate sa pagtawid sa mga lalawigan sa Luzon, sa mga nagdaang taon.
“Kapag dumaan ka ng Skyway o TPLEX (Tarlac–Pangasinan–La Union Expressway), Autosweep ang gagamitin mo. Kapag naman NLEX (North Luzon Expressway) o SCTEX (Subic-Clark-Tarlac Expressway), Easytrip naman,” aniya.
“Ibig sabihin, dalawang card, dalawang account, dalawang load, para sa bawat biyahe. Minsan pa, nalagyan mo ng load ‘yong NLEX, kaso nalimutan mong lagyan ng load ‘yong TPLEX. Resulta, pipila ka sa bayaran. Sayang sa oras, bawas sa oras na dapat pa sana sa pasyal, bonding sa pamilya, at sa trabaho,” dagdag pa ng Pangulo.
Bilang tugon, agad nang epektibo ang “One RFID, All Tollways” para sa mga magbabiyahe sa buong Luzon.
“Nakikinig tayo sa hinaing ng taong-bayan. Kaya naman, pinag-aralan natin ang problema at nakahanap tayo ng magandang solusyon. Simula ngayon, iisang RFID sticker na lang ang kailangan para sa mga toll expressway natin sa buong Luzon,” pagtitiyak ni PBBM.
Idinagdag din ng Pangulo na libre at optional ang registration dito.
“Maganda pa rito, libre ang registration, walang bayad. Higit sa lahat, nasa sainyo kung mag-register kayo dito. Optional po ito,” aniya.
“Ginawa nating madali, abot-kamay, hassle-free ang buong proseso. Puwede nang magparehistro online o walk-in,” dagdag pa niya.
Kinilala rin ni PBBM ang kolaborasyon ng mga ahensya kabilang ang Department of Transportation (DOTr) at Toll Regulatory Board (TBR) para mailunsad ang inisyatibang “One RFID, All Tollways.”
“This project has been made possible because of the continued trust, commitment , and flexibility of partner concessionaires, the operators, and [the] ETC (Electronic Toll Collection) RFID providers. Years of consultation and collaboration with DOTr and the Toll Regulatory Board, have finally led us to a unified system that responds to the real needs of our motorists, true to the spirit of public service,” pagkilala ng Pangulo.
Sa pagtatapos ng kaniyang talumpati, nagpaalala siya sa mga biyahero at motorista na siguraduhing may sapat na load ang kanilang RFID para matiyak ang tuloy-tuloy na pagbiyahe.
“Isang paalala para sa ating mga biyahero at motorista. Hinihikayat namin kayong siguraduhing may sapat na load ang inyong RFID bago byumahe, paalala ni PBBM.
“Sa mga wala pang account, iniimbitahan namin kayo na subukan ninyo ito. Madali lang ang proseso, tiyak na malaking tulong sa inyong paglalakbay,” dagdag pa niya.
Sean Antonio/BALITA