Nagpahayag ng pagkadismaya si Sen. Bam Aquino kaugnay sa lumabas na resulta na 22 classrooms pa lang umano ang natatapos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ngayong 2025.
Ayon sa inilabas na pahayag ni Aquino sa kaniyang Facebook post noong Lunes, Oktubre 20, sinabi ng senador na dismayado umano siya sa nasabing resulta ng DPWH ngayong Oktubre 2025.
“Nakakadismaya ang pahayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na 22 classrooms lang ang naitayo para sa taong 2025,” pagsisimula ni Aquino.
Ani Aquino, aabot sa 146,000 ang classroom backlog ng bansa at maaari raw itong umakyat sa 200,000 sa pagsapit ng 2028 kung magpapatuloy ang mabagal na trabaho ng nasabing ahensya.
“Nasa 146,000 na ang classroom backlog natin. Kung ganito pa rin kabagal ang aksyon, aabot ito sa 200,000 pagsapit ng 2028,” saad ni Aquino.
Binanggit naman ni Aquino sa kaniyang pahayag ang kahalagahan ng isinusulong niyang Senate Bill no. 121 o Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Bill.
“Sa ating panukalang SBN 121 o Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Bill, layon nating mapabilis ang pagpapatayo at pag-aayos ng mga silid-aralan, sa tulong ng mga LGU at sa pakikipagtulungan sa DepEd,” paliwanag niya.
Pinasalamatan din ni Aquino si DPWH Sec. Vince Dizon sa pagsuporta umano niya sa CAP Bill.
“Nagpapasalamat tayo kay DPWH Sec. Vince Dizon sa kanyang buong suporta sa CAP Bill bilang tugon sa patuloy na kakulangan ng mga silid-aralan sa mga pampublikong paaralan[...]” anang senador.
“PASS SBN 121 or the Classroom-Building Acceleration Program Act NOW!” pagtatapos pa ni Aquino.
Matatandaang tila ikinagulat din mismo ni Dizon ang mababang bilang ng mga natatapos pa lang na mga silid-aralan ng kanilang ahensya ngayong taon.
MAKI-BALITA: DPWH, 22 klasrum pa lang natatapos sa 1,700 na target ngayong taon
“For 2025 po, out of 1,700 na dapat gawin, 22 pa lang po ang completed at 882 po ang ongoing. At meron pong 882 na not yet started. So, it’s a very deplorable rate of only 15.43 percent,” pagbabahagi ni Dizon sa pagdinig ng Committee on Finance sa Senado para sa 2026 proposed budget ng DPWH noong Oktubre 20, 2025.
Mc Vincent Mirabuna/Balita