Kilala rin bilang “Iron Lady” ng Japan, iniluklok na bilang kauna-unahang babaeng prime minister si Liberal Democratic Party Leader (LDP), Sanae Takaichi nitong Martes, Oktubre 21.
Si Takaichi ang nailuklok bilang ika-104 na Punong Ministro ng Japan matapos makatangganp ng 237 na boto sa 465-seat lower house, na inaprubahan din ng upper house ng kanilang parlyamento.
Ayon sa mga ulat, si Takaichi ay estudyante ni dating Japan prime minister Shinzo Abe, at isa sa mga adbokasiya niya ay ang pagrerebisa ng saligang batas ng Japan.
Sa mga karagdagang ulat, si Takaichi ay umiidolo kay Margaret Thatcher, na unang babaeng British prime minister.
“Like Thatcher, (Takaichi) is a conservative and she is also a woman in a male-dominated world,” saad ni Shihoko Goto, ang Bise Presidente ng mga programa sa Foreign Policy Research Institute.
Idinagdag din ni Goto na bilang bagong Punong Ministro, inaasahan na isa sa mga unang tutugunan ni Takaichi ay ang mga internal domestic pressure na nangyayari sa bansa.
“That said, Thatcher was then – Japan is now. It’s facing a great deal of change, it’s facing a lot of internal domestic pressure. She will be expected, first and foremost, to deal with those immediate threats,” aniya.
Gayunpaman, ilan sa mga kontrobersya na kaakibat ng bagong Punong Ministro ay ang pagbisita niya sa Yasukuni Shrine, dahil kilala ang dambanang ito sa pagbibigay-pugay sa mga namatay na leader ng Japan noong World War II, na nag-uudyok din sa galit ng mga bansang China at South Korea, ilan sa mga bansang trade partners ng Japan.
Isa pa ang umano’y pagtutol ni Takaichi sa same-sex marriage at ang paggamit ng makaibang apelyido sa mga mag-asawa.
Sean Antonio/BALITA