Tila ikinagulat din mismo ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon ang mababang bilang ng mga natatapos pa lang na mga silid-aralan ng kanilang ahensya ngayong taon.
Ayon sa naging pagdinig ng Committee on Finance sa Senado para sa 2026 proposed budget ng DPWH noong Lunes, Oktubre 20, tinanong ni Sen. Bam Aquino si Dizon kung ilan ang tala ng mga natapos nang classroom ng DPWH ngayong 2025.
“Ilan na po ang nagawang classroom ng DPWH for 2025 at ilan po ‘yong projected na magagawa ninyo for 2025?” pagkukuwestiyon ng senador.
Makikita naman sa ekspresyon ni Dizon ang nakakagulat na tala ng DPWH kaugnay sa nasabing mga proyekto.
“Totoo ba ito? Ang baba nito, a,” paninigurado niya.
Pagpapatuloy ni Dizon, aabot pa lang sa 22 ang bilang ng mga silid-aralan na natapos ng DPWH sa kabila ng 1,700 na kabuuang proyekto na plano nilang matapos ngayong 2025.
“For 2025 po, out of 1,700 na dapat gawin, 22 pa lang po ang completed at 882 po ang ongoing. At meron pong 882 na not yet started,” ani Dizon.
“So, it’s a very deplorable rate of only 15.43 percent,” pagtatapos pa niya.
Samantala, binigyang-diin ni Sen. Bam na iyon ang resulta ng mga isyung kinakaharap ngayon ng bansa kaugnay sa maanomalyang flood-control projects mula sa ahensya ng DPWH.
“Ito po kasi ‘yong resulta ng mga issue natin with the agency, our issues with flood-control. Naging priority ang flood-control for the past year as a national infrastructure[...]” saad ni Sen. Bam.
“But when you look at our classrooms, 22 completed for 2025, you can’t even explain that. Even just saying that, sumasakit po ‘yong puso ko na 22 lang po ‘yong nagawang classrooms,” pagbabahagi pa niya.
Mc Vincent Mirabuna/Balita