Humigit-kumulang 16 kilong marijuana kush na palutang-lutang sa West Philippine Sea ang nasabat ng awtoridad noong Lunes, Oktubre 20.
Ibinahagi ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang Facebook post na ang nasabat na marijuana kush ay tinatayang aabot sa ₱19.2 milyon ang halaga.
“Habang nagsasagawa ng regular na maritime patrol sa bahagi ng Sabina Shoal, nakakita ang mga personnel ng Hukbong Dagat ng itim na duffle bag na palutang sa karagatan. Nang ito ay siyasatin, natuklasang naglalaman ito ng 32 heat-sealed plastic packs ng tuyong dahon ng hinihinalang marijuana kush, na may kabuuang bigat na humigit-kumulang 16 kilo,” anang PNP.
Inilahad din nilang agad naman itong dinala sa 2LT Lagare Pier, Tidepole, Brgy. Masipag, Puerto Princesa City, Palawan, para sa dokumentasyon at imbentaryo, na siyang ididiretso naman sa Police Regional Office 4B Palawan Provincial Forensic Unit para sa pagsusuri.
Ibinahagi naman ng PNP ang mga naging pahayag ni PNP Acting Chief Jose Melencio C. Nartatez Jr. at PNP Spokesperson Randulf T. Tuaño ukol sa mga nasabat na marijuana.
“Ang matagumpay na operasyon na ito ay patunay ng ating pagkakaisa at patuloy na pagbabantay laban sa pagpasok ng ilegal na droga sa ating bansa. Ito ay malinaw na patunay ng sama-samang pagkilos ng mga tagapagpatupad ng batas upang mapangalagaan ang seguridad ng ating bansa at mapanatili ang integridad ng ating mga karagatan,” ani Nartatez Jr.
“Patuloy nating palalakasin ang koordinasyon sa Navy at PDEA upang mapangalagaan ang seguridad ng ating karagatan laban sa iligal na droga,” pahayag ni PBGEN Tuaño. “Hindi natin hahayaang magamit ng mga sindikato ang ating mga karagatan bilang ruta ng iligal na droga,” ani Tuaño.
Isiniwalat din ng PNP na ang matagumpay na pagkakasabat ng marijuana ay mula sa pagtutulungan ng kanilang ahensya at ng Philippine Navy, kasama na ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ito rin umano ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya ng administrasyon kontra ilegal na droga.
Vincent Gutierrez/BALITA