Naglabas ng pahayag si dating Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson kaugnay sa pagsasampa ng kasong plunder ar graft sa kaniya ng Warriors Ti Narvacan, Inc., ngayong Lunes.
Ayon sa pahayag na ibinahagi ni Chavit sa media nito ring Lunes, Oktubre 20, pinabulaanan niya ang sinampang kaso laban sa kaniya at sinabi niyang isang itong “diversionary tactic.”
“Ito po ang masasabi ko sa ni-file daw na plunder. Another diversionary tactic, another paninira, walang katotohanan po ‘yan,” pagsisimula ni Chavit.
“Ang sabi sa complaint nila, nagbenta raw ako ng lupa sa gobyerno at kumita raw ako ng 100 million [pesos]. Ang lupa na sinasabi po, ten (10) hectares. Ang presyo po no’n at that time [ay] 800 million dahil 8,000 per square meters, sampong ektarya,” paliwanag pa niya.
Pagpapatuloy ni Chavit, isiniwalat niyang “nalugi” pa nga raw siya sa presyo ng lupaing ibinenta niya “para” sa munisipalidad ng Narvacan sa Ilocos Sur.
“Binenta ko lang sa munisipyo nang 120 [million] so nalugi po ako ng 620 million, hindi ako kumita. Sino po ang makakagawa n’yan? Ako lang na sinserong tumutulong sa ating bansa[...]”
“Itong mga nagsasabi nito, dati nang extortionist. Si Atty. [Estelita] Cordero, pinsang buo ‘yong tinalo ko mayor sa Narvacan. Ever since, ’yan na nagbabatikos sa akin pero humihingi palagi ng pera sa akin[...]” anang dating gobernador.
Dagdag pa niya, mas kumita pa raw ang nasabing gobyerno sa Narvacan sa pagbebenta ng naturang lawak ng lupain.
“Walang katotohanan ‘yan dahil kumita pa ang gobyerno d’yan. Ang presyo ngayon d’yan, 20 thousand na per square meters, [kikita] pa sila ng napakalaki. 200 million na ang presyon niya, 1.2 [million] ko lang binigay,” pagkukuwento niya.
“Kung gusto ko pong kumita, e di binenta ko ‘yong tamang presyo, kumita pa ako ng malaki. So, ‘yon po, kalokohan itong ginagawa nila na overpriced daw ng 100 milyon. Ang presyo daw, 49 million. Kalokohan ito gawa ng attack dog na na naman ito at may nagpopondo na naman dito ng malaki,” saad pa ni Chavit.
Nanawagan din si Chavit sa opisina ng Ombudsman na buklatin umano ang mga ni-file niya sa dating mayor ng Narvacan na siyang “pinsang buo” ni Atty. Estelita D. Cordero
“Kung sa Ombudsman, dapat halungkatin nila ‘yong ni-file ko sa pinsang buo niya. Matagal na ‘yan, naka-parking lang sa Ombudsman. Ba’t hindi ninyo buksan, napakarami. Ginamit nila [ang] mahigit isandaang farmers sa resolution na pirmado ng Vice Mayor, Mayor, and all the councilors,” mungkahi ni Chavit.
Anang dating gobernador, “nakatulong” pa raw siya sa Narvacan noon.
“Billions po ang nawala sa Narvacan bago ako mag-mayor. Inayos ko na ang Narvacan, binitawan ko na, binigay ko na sa iba. So, nakatulong ako sa buong Narvacan kahit saan kayo magtanong,” pagbibida ni Chavit.
“‘Yon po ang isyu ngayon. Paninira na naman ‘yan at maliwanag na wala kaming ginawang masama. In fact, kumita pa ang munisipyo [at] ako nalugi,” pagtatapos pa niya.
Mc Vincent Mirabuna/Balita