Nagbigay ng babala si Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro sa mga papasok at mapo-promote sa Department of Public Works and Highways (DPWH) kasunod ang anunsyong pagbubukas ng higit 2,000 bakanteng posisyon sa ahensya nitong Lunes, Oktubre 20.
“Ang sabi ni Sec. Vince, maraming matatanggal, dahil dito, warning na po ito sa mga papasok,” sagot ni Castro nang tanungin kung makabubuti ba sa ahensya ang pagkabakante ng libo-libong posisyon sa DPWH.
Ito ay pagsegunda niya sa binanggit na “sweeping revamp” ni Dizon sa DPWH, sa unang press briefing niya bilang kalihim ng ahensya noong Setyembre.
KAUGNAY NA BALITA: Mga kontraktor ng ghost projects, ‘lifetime blacklisted’ sa DPWH – Dizon
“Dapat po kayo ay maging matino, dapat kayo ay may integridad, at dapat po talaga tumugon kayo kung ano ang naaayon sa batas, at kung ano ang maitutulong sa taong-bayan,” dagdag pa ni Castro.
Sa kaugnay na ulat, inanunsyo ni Dizon ang pagbubukas ng higit 2,000 bakanteng posisyon sa DPWH sa mga darating na linggo.
Ipinaliwanag niya na priority ng ahensya sa mga posisyong ito ang mga empleyado na nagtatrabaho na rito.
“Ang priority natin para punuan ang iba’t ibang posisyon na ito ay sa loob ng DPWH. Gusto ko pong mag-promote at mag-angat. Unang-una, i-angat muna natin ang mga deserving, honest, at hard-working people already in DPWH, kasama na po ang mga job order employees natin ngayon,” saad ng Kalihim.
Karamihan din sa nasabing job vacancies ay binubuo ng engineering positions sa iba’t ibang sangay ng ahensya sa lahat ng rehiyon sa bansa.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Baka ikaw na ang hanap!’ Higit 2,000 posisyon sa DPWH, bukas sa mga aplikante
Sean Antonio/BALITA