Sinagot ng Palasyo ang mga tirada ni Vice President Sara Duterte hinggil sa kredibilidad umano ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Sa press briefing ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro nitong Lunes Oktubre 20, 2025, iginiit niyang tila kaawa-awa raw ang mga opisyal ng gobyerno na puro paninira lang daw ang alam.
"Kaawa-awa ang mga taong parte ng gobyerno pero hindi nakakatulong sa gobyerno at sa bayan. Kaawa-awa ang taong naturingang public servant puro haka-haka lang ang sinasabi para makapanira sa gobyerno," ani Castro.
Kaugnay naman sa pagkuwestiyon ni VP Sara sa pamamaraan ng ICI sa kanilang imbestigasyon sa maanomalyang flood control, sagot ni Castro, "Ano ba ang alam ng bise presidente sa pagpresent ng mga tunay na ebidensya at hindi mga peke at gawa -gawa lang? Ang mga tahi-tahi niyang kwento ay walang halaga. Hindi na dapat intindihan pa."
Matatandaang noong Sabado, Oktubre 18 nang banatan ng Pangalawang Pangulo ang ICI at iginiit na tila ang ICI umano ang gumagawa ng kuwento ng korapsyon na ipapasa lamang daw sa taumbayan.
"Nagbukas sila ng ICI para kung ano man yung investigation ng ICI, yun na yung official na kuwento ng nangyaring korapsyon. At yun ang i-feed nila sa mga tao at sasabihin nila na ito yung kuwento at ito yung mga kailangan natin gawin, mga responsable," ani VP Sara sa media.
Hirit pa ng Bise Presidente, "That wa, ikaw na mamamayan, hindi mo ma ma-dispute, hindi mo na makontra yung results dahil sasabihin n'ya, 'hindi legitimate 'yan."
Bunsod nito, kinuwestiyon din ng Palasyo ang tila kinatatakutan umano ng Pangalawang Pangulo.
"Ang tanong: May kinatatakutan ba siyang mabunyag sa ginagawang pag-iimbestiga kaya pilit niyang sinisiraan ang integridad ng ICI?" saad ni Castro.