Sinuspinde na ng Department of Transportation (DOTr) ang lisensya ng pick-up driver na nambugbog ng senior citizen na bus driver sa gitna ng kalsada sa Silang, Cavite.
Ayon sa DOTr, ipatatawag din ng Intelligence and Investigation Division (IID), Land Transportation Office (LTO) ang nasabing driver ng pick-up sa Oktubre 24, 2025 upang pagpaliwanagin sa nasabing insidente.
Batay umano sa opisyal na ulat ng SIlang Municipal Police Station, nagbanggaan ang bus at pick up na dahilan nang pananakit ng driver ng naturang private vehicle.
"Nakasaad sa report ng Silang Municipal Police Station na nagbanggaan ang Toyota Hilux, na minamaneho ni Arny Jose Montes, at ang Public Utility Bus (PUB). Pinatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang driver para magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat kasuhan ng Reckless Driving at makansela ang kanyang lisensya," anang DOTr.
Samantala, nanindigan naman si DOTr acting chief Giovanni Lopez na hindi raw nila palalampasin ang sinapit ng matandang bus driver.
"Hindi tayo hihinto sa pagsuspinde ng lisensya ng mga driver na sangkot sa road rage. Lalo na sa insidenteng ito, kitang-kita sa video kung paano nya sinaktan yung matandang driver. Hindi natin palalampasin ang ganyang mga maling asal," ani Lopez.
Mapapanood sa ngayo'y viral na video ang pananakit ng pick-up driver sa senior citizen na bus driver sa kabila ng pagpupumilit ng matanda na makabalik na sa bus na kaniyang minamaneho.