Ibinunyag ng Malacañang na hindi pa umano pumapasok sa isip ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na buwagin ang Department of Public Works and Highways (DPWH), kaugnay ito sa malawakang korapsyon na kinahaharap ng ahensya sa kasalukuyan.
Kinumpirma ito ni Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, Oktubre 20.
“Unang-una po ang departamento, hindi po lahat na mga nangangasiwa, at ‘di po lahat ng nga taong gobyerno sa DPWH ay masasabi nating gumawa ng kamalian. May mga public servants pa rin po at public officials na masasabi nating tumutugon sa kanilang mga obligasyon,” ani Usec. Castro.
“Sa ngayon po ay hindi po pa naiisip kung dapat itong i-abolish, dahil dapat ang tanggalin dito ay ‘yong mga gumagawa ng mali,” dagdag pa niya.
Nanindigan din siyang sa tulong ni DPWH Sec. Vince Dizon, malalaman din kung sino-sino nga ba ang talagang may kinalaman sa iregularidad at anomalya ng flood control ng naturang ahensya.
“Madali naman pong malaman kung sinu-sino ito, at sa tulong na rin po ni Secretary Vince [Dizon], matatanggal po ang dapat matanggal sa ahensya,” anang palace press officer.
Samantala, nagpahayag na rin umano si Sec. Vince sa mga bagong papasok sa DPWH, na dapat sila ay maging matino at may integridad. Dapat din umano silang tumugon nang naaayon sa batas, at sa maitutulong nila sa taumbayan.
Matatandaang ito ay kaugnay sa pahayag ni Sen. Win Gatchalian, na kung siya ang tatanungin, magtayo na lang daw ng bagong DPWH.
"Kung ano tatanungin, magtayo na lang ng bagong DPWH e. Kumuha ng bagong tao dahil... ako kasi naniniwala kung hindi mo... ang aking philosophy sa management, darating ka kasi sa punto na kung hindi mo maayos iyan gumawa ka na lang ng bago. I think it will take years and years for Secretary Vince [Dizon] to clean up," ani Sen. Win.
MAKI-BALITA: 'Kung ako tatanungin, magtayo na lang ng bagong DPWH!—Sen. Win Gatchalian-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA