Nagbunyi ang mga netizen nang makita nilang tila lumiit na ang bukol sa leeg ng komedyanteng si Gil Morales o mas sikat sa pangalang "Ate Gay," batay sa kaniyang latest social media posts.
Matatandaang kamakailan lamang, gumulat sa mga netizen ang balitang may kakaibang cancer sa bandang kanang leeg ang komedyante, batay na rin sa kaibigan niyang si Allan K.
"Ito ‘yong sakit niya, mild pallid tumor[...] mucoepidermoid cancer versus squamous cell carcinoma. So, inisip ko, ano kaya ‘to? Ano kaya itong sakit na ito? Tanong ako nang tanong, wala naman akong mapagtanungan,” ayon kay Allan.
Matapos nito, bumuhos naman ang tulong kay Ate Gay, at isang ospital pa ang umakong gagamutin siya sa pamamagitan ng radiation therapy. Isang fan pa ang sumagot sa tutuluyan niyang condo unit na malapit lamang sa ospital.
Kamakailan lamang, nakapanayam din si Ate Gay sa award-winning news magazine show na "Kapuso Mo Jessica Soho (KMJS)," at dito ay makikita ngang lumiit na ang malaking buko sa kanang leeg ng komedyante.
Sa latest Facebook post naman ni Ate Gay nitong Lunes, Oktubre 20, kitang-kitang halos hindi na makita ang bukol sa kaniyang leeg, na ikinatuwa naman ng mga netizen.
"Aliw na aliw kapwa ko pasyente sabi kasi nila pagaling Kami .. bigla ako napakantang pagaling tayo sumakit Ang ulo sumakit Ang bewang ko sexbomb3x," hirit na biro ni Ate Gay, kalakip ang latest photo niya.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.
"Get well Ate Gay. We 're waiting for your never ending jokes."
"Magaling ka na talaga Ate Gay Morales Gil Aducal Morales."
"Your positivity and happiness are truly inspiring, ate Gay! You're a shining reminder that we can choose to stay positive, even in tough times."
"Ate Gay, ang beautiful mo na ulit, pagaling ka at waiting na ang mga fans mo"
"Mapagaling ka habang may mabait ka pang mga angel."