December 14, 2025

Home SPORTS

‘Malayo mararating ng bata!’ Carlo Biado, tiwalang magiging world champion si AJ Manas sa hinaharap!

‘Malayo mararating ng bata!’ Carlo Biado, tiwalang magiging world champion si AJ Manas sa hinaharap!
Photo courtesy: Matchroom Pool (FB)

Nagbigay ng pahayag ang multiple world champion na si Carlo Biado kaugnay sa tiwala niyang magiging world champion din umano sa hinaharap ang 18-anyos prodigy at Most Valuable Player (MVP) ng Reyes Cup 2025 na si Albert James “AJ” Manas. 

Ayon sa naging panayam kay Biado sa media noong Linggo, Oktubre 19, ikinuwento niyang agad silang nag-ensayo ni Manas matapos matalo ang mga kakampi nila sa Team Asia na sina Aloysius Yapp at Johann Chua. 

“Sobrang saya dahil sa pangalawang pagkakataon nakuha na naman natin ‘yong korona sa Reyes Cup,” pagsisimula niya, “relax lang kami ni AJ, e. Sabi ko, ‘hindi na tayo aabot, hindi na tayo maglalaro.’ Pero no’ng natalo si Aloysius [Yapp] at saka natalo din si Johann [Chuan], hindi ko ine-expect na hahabol ‘yong team rest of the world.”

“Sabi ko kay AJ, kailangang mag-ensayo tayo dahil baka matalo si Chua. Sabi ko, sana talunin ni Chua kaya lang hindi nabigyan ng pagkakataon no’ng huli. At saka [naging] masama ‘yong bola sa kaniya,” paliwanag ni Biado. 

Ranking ng Pilipinas, patuloy pagratsada sa 33rd SEA GAMES 2025

Pagpapatuloy niya, masaya siyang nakuha nila ni Manas ang panalo sa huling laban dahilan para itanghal silang kampeon sa torneo ng Reyes Cup 2025. 

“Pero masaya kami dahil nakuna natin ‘yong huling laban at dalawa kami ni AJ ‘yong naglaro,” saad niya. 

Ani Biado, malayo ang mararating ni Manas at nakasisiguro raw siyang magiging world champion ang batang tirador sa darating na panahon. 

“Malayo pang mararating no’ng bata kasi 18 years old [pa lang]. Ako, nag-world champion ako, thirty five (35) na ako, e. Tapos siya 18, naku, ang haba ng karera niya.”

“Hindi magtatagal, magwo-world champion siya. Siguro mga two to three years, world champion na [siya], expected ko ‘yan,” pagkukuwento ni Biado. 

Ibinahagi rin ni Biado ang ibinigay umano niyang payo kay Manas bago nila masungkit ang gintong panalo para sa Team Asia. 

“Ang sabi ko sa kaniya, basta ilaro mo lang ‘yong laro mo tapos kapag hindi mo alam ‘yong tira, tanungin mo ako. Hindi ko din naman siya kailangang turuan, e, dahil magaling ‘yong shooting niya, magaling ‘yong pocketing niya, magaling din siya magdala ng cue ball, ang [kulang] na langsa kaniya[ay] ‘yong diskarte,” pagtatapos ni Biado. 

MAKI-BALITA: Django Bustamante, sinita mga basher ng 'Starboy' na si AJ Manas

Mc Vincent Mirabuna/Balita