December 13, 2025

Home BALITA National

‘Maganda po ang itinatakbo ng ICI!’—PCO Usec. Castro

‘Maganda po ang itinatakbo ng ICI!’—PCO Usec. Castro
Photo courtesy: RTVM/YT, contributed photo


Direkta ang mga pahayag ng Palasyo hinggil sa imbestigasyong isinasagawa ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), kaugnay sa mga iregularidad at anomalya ng ilang mga flood control projects sa bansa.

Ibinahagi ito ni Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro, sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, Oktubre 20, kung saan inilarawan niyang maganda ang itinatakbo ng naturang komisyon.

“Mas maganda po talaga na magkaroon ng mas ngipin, pangil ang ICI. Pero sa ngayon po, nakikita naman po natin na maganda ang itinatakbo ng ICI. ‘Pag nagpatawag po sila, kahit mga senador, kahit mga miyembro ng Kongreso, sila naman po ay tumutugon at nagbibigay ng kanilang pahayag,” ani Usec. Castro.

“So ngayon po, maganda po ang itinatakbo ng ICI, at iginagalang po ng mga witnesses or ‘yong mga ipinapatawag, mga diumanong concerned parties, ginagalang nila ang ICI at tumutugon sila sa patawag,” dagdag pa niya.

Nang tanungin kung “satisfied” ba si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa paraan ng pagtatrabaho ng ICI, sinabi niyang hindi sarado ang Pangulo kung may mas ikagaganda pa ito.

“Kung may igaganda pa, hindi naman po ito sasarhan ng pinto ng Pangulo, pero sa ngayon po, sa nakikita po natin, maganda po ang itinatakbo ng pag-iimbestiga ng ICI,” anang palace press officer.

Sa kabila ng mga pahayag ng Pangulo hinggil sa pagtatrabaho ng ICI, nakuha nito ang ikalawa sa pinakamababang iskor sa isang Pulse Asia survey, kaugnay sa pinagkakakatiwalaan ng taumbayan patungkol sa flood control issues ng bansa.

“Pinakamababa naman sa pinagkakatiwalaan ng taumbayan ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na may 23% at Department of Public Works and Highways (DWPH) na mayroon lamang 7%,” ayon sa resulta ng nasabing pag-aaral.

KAUGNAY NA BALITA: ICI, DPWH, kulelat sa survey ng mga pinagkakatiwalaan ng taumbayan sa isyu ng flood control projects—Pulse Asia-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA