Iginiit ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III na posible umanong manatili sa kustodiya ng Senado ang kontraktor na si Curlee Discaya at Bulacan engineers na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez at Jaypee Mendoza, hanggang 2028, hangga't hindi naglalabas ng arrest order ang Supreme Court (SC).
Sa isang radio interview noong Linggo, Oktubre 19, 2025, mapipilitan umano silang ipitin sa Senado sina Discaya hanggang Hunyo 2028 na kapuwa mga napatawan ng contempt order ng nasabing institusyon.
"Mapipilitan kami, based on the SC ruling na pagdating ng June 2028, ire-release namin sila," ani Sotto.
Paglilinaw naman niya, "Of course. Ibang usapan na ‘yon. Oras na pinapaaresto na sila ng korte, di naman puwedeng di ko ibigay ‘yon."
Matatandaang noong Setymebre 8 nang unang ipa-contempt ng Senado si Henrnandez habang noong Setyembre 18 naman nang magkakasunod na napatawan ng contempt sina Discaya, Alcantara at Mendoza.
KAUGNAY NA BALITA: Curlee Discaya, Henry Alcantara, idedetine sa kustodiya ng Senado
Binanggit din ni Sotto ang pagkaligwak ng hiling na house arrest ng mga abogado nina Mendoza, Alcantara at Hernadez habang ibinasura naman ng regional trial court ang inihaing habeas corpus ng kampo ni Discaya.
KAUGNAY NA BALITA: Contempt order kay Curlee Discaya, pinagtibay pa rin ng Senado
“Yung abogado ni Discaya nagpunta sa RTC, dine-deny yung habeas e. Paano ko papayag dito sa sulat nila (for house arrest)? Nagmamakaawa nga e. Pero naawa ba sila sa mga tinamaan nung ginawa nila nung araw?” anang Senate President.