Humiling si Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro sa mga umano’y “obstructionist” na gumagawa ng kuwento upang sirain ang integridad ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), na sila ay tumigil na, sapagkat hindi raw nakatutulong sa ekonomiya ang kanilang ginagawa.
Ito ay inilahad ni Usec. Castro sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, Oktubre 20.
“Sinimulan po ito ng Pangulo, ang ‘Sumbong sa Pangulo’ nitong September. So makikita po natin kung gaano na po kalaki ang inabot nito, kung gaano na kahaba ang inabot nito. Nagkaroon po ng Executive Order (EO) No. 94, para po mai-establish ang ICI, ang independent commission, para po magkaroon ng mas malalimang pag-iimbestiga sa mga maanomalyang flood control projects at infrastructure. Nagkaroon na rin po ng mga pag-freeze ng assets. Nagkaroon na rin po ng pag-isyu ng mga ILBOs ang DOJ, at nagkaroon na rin po ng recommendation ng pagsasampa ng kaso kay Congressman Zaldy Co,” ani Usec. Castro.
“So marami pa pong nagawa at marami pa pong iniimbestigahan. Nararamdaman po ng Pangulo at ng administrasyon, ang nararamdaman ng mga businessmen, kaya po patuloy ang ginagawang pag-iimbestiga at patuloy ang pagpapabilis ng aksyon para po mapanagot ang dapat na mapanagot,” dagdag pa niya.
“Siguro ang hiling na lamang po natin doon sa mga ‘obstructionist’ na gumagawa na lang ng iba’t ibang kuwento para sirain ang integridad ng ICI, bawasan nila ito o hintuan na nila, dahil hindi po ito nakakatulong sa ekonomiya,” saad pa ni Usec. Castro.
Matatandaang naging direkta ang pahayag ng Palasyo hinggil sa imbestigasyong isinasagawa ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), kung saan sinabi nilang maganda ang itinatakbo ng naturang komisyon.
“Mas maganda po talaga na magkaroon ng mas ngipin, pangil ang ICI. Pero sa ngayon po, nakikita naman po natin na maganda ang itinatakbo ng ICI. ‘Pag nagpatawag po sila, kahit mga senador, kahit mga miyembro ng Kongreso, sila naman po ay tumutugon at nagbibigay ng kanilang pahayag,” ani Usec. Castro.
MAKI-BALITA: ‘Maganda po ang itinatakbo ng ICI!’—PCO Usec. Castro-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA