December 16, 2025

Home SPORTS

Django Bustamante, sinita mga basher ng 'Starboy' na si AJ Manas

Django Bustamante, sinita mga basher ng 'Starboy' na si AJ Manas
Photo courtesy: Emily Frazer (FB)

Nagbigay ng mensahe ang isa sa mga alamat sa mundo ng bilyar na si Francisco “Django” Bustamante kaugnay sa mga bumabatikos sa “18-anyos na prodigy” at Reyes Cup 2025 Most Valuable Player (MVP) na si Albert James “AJ” Manas. 

Ayon sa pinaunlakang interview sa media ni Bustamante noong Linggo, Oktubre 19, pinatungkulan niya ang mga bumabatikos kay Manas at sinabing kinuha niya ang batang manlalaro dahil totoong may potensyal ito. 

“[Ang] masasabi ko, sana sa lahat ng bumabatikos kay AJ Manas, ‘wag naman ganoon kasi kapuwa rin naman natin Pilipino ‘yan, e,” pagsisimula ni Bustamante, “saka hindi ko rin naman kukunin ang isang player kung wala siyang potensyal.”

Pagpapatuloy pa niya, talagang maganda raw ang ipinakita ni Manas sa mga naging laban nila sa Reyes Cup 2025, dahilan para italaga siya bilang MVP sa nasabing torneo.  

Ranking ng Pilipinas, patuloy pagratsada sa 33rd SEA GAMES 2025

“Lalo na si AJ, nakikipag-tournament na ‘yan sa mga international. So ngayon, nakikita mo sabi ko sa kaniya, patunayan mo lalo na sa Pilipinas na magaling ka. Nakita naman nila ang tinitira ni AJ Manas, hindi sumasablay. Saka ang ganda ng performance niya kaya naging MVP siya,” paglilinaw ni Bustamante.  

“Sa mga naiinggit, ano na lang, mag-champion kayo para kayo naman sa susunod ang mapili,” pahabol pa niya. 

Dagdag pa ni Bustamante, nakikita raw niya ang sarili niya kay Manas at natitiyak niyang malayo ang mararating ng bata sa mundo ng bilyar. 

“Malaking bagay ito para kay AJ kasi parang nakita ko ‘yong sarili ko sa kaniya. Talagang pursigidong gumaling,” anang coach, “malaki ang mapupuntahan ng batang ito. Basta hintayin lang natin marami siyang mararating na champion na pananalunan niya sa buong mundo.”

Hinikayat naman ni Bustamante ang mga batang tirador sa larong bilyar na gayahin si Manas. 

“Ang bilyar dito sa atin, hindi naman nawawala. Minsan kapag nawala siya pero ‘pag dumating siya, talagang lalaki ulit. So [ang] masasabi ko lang, sa mga gustong gumaya kay AJ Manas, sana pagbutihin nila,” saad niya. 

Ani pa ni Bustamante, gagawin umano nila ang lahat, kasama si The Magician Efren “Bata” Reyes, upang matulungan ang mga batang may potensyal sa larong bilyar. 

“Ako naman, kapag nakita kong magaling ‘yong bata, kinukuha namin kasi coach kami ni pareng Efren sa Philippine Sports Commission. So talagang nagpupursige kami na irekomenda sila sa gobyerno natin para matulungan namin sila,” pagtatapos pa niya. 

Mc Vincent Mirabuna/Balita