Inanunsyo ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon ang pagbubukas ng higit 2,000 na posisyon sa ahensya sa mga darating na linggo.
“Nakausap ko po ang ating HR, at ako po ay na-inform na mayroong halos 2,000 bakanteng posisyon. 2,000 halos, to be exact, 1,993, pero baka aabot pa ng 2,000 mahigit ‘yan, all over the country, mostly sa ating regions,” saad ni Dizon sa Flag Raising, umaga ng Lunes, Oktubre 20 sa Port Area, Maynila.
Ipinaliwanag niya na sa pagpuno ng job vacancies na ito, layon ng ahensya na unahin ang mga empleyado na nagtatrabaho na rito.
“Ang priority natin para punuan ang iba’t ibang posisyon na ito ay sa loob ng DPWH. Gusto ko pong mag-promote at mag-angat. Unang-una, i-angat muna natin ang mga deserving, honest, at hard-working people already in DPWH, kasama na po ang mga job order employees natin ngayon,” paliwanag ng Kalihim.
Dito ay tiniyak rin niya ang job order employees na mayroon na silang oportunidad para umangat sa mga posisyon sa loob ng ahensya.
“Hindi porke’t job order kayo nang napakatagal na panahon, eh wala na kayong karapatan at oportunidad para umangat. Kayo po ang uunahin natin. Kayo po ang mauuna dito sa halos 2,000 vacancies all over the country,” pagtitiyak ni Dizon.
“Magkakaroon po tayo ng sistema na, kung paano kayo aangat, ano ang kwalipikasyon… Kayo po dapat ang mauuna dito, lalong lalo na ‘yong ating mga job order employees,” dagdag pa niya.
Binanggit din niya na sa mga susunod na araw at linggo, magsisimula nang maglabas ng guidelines ang ahensya.
Karamihan din sa mga bakanteng posisyon dito ay ang binubuo ng mga engineering positions sa iba’t ibang sangay ng ahensya sa buong bansa.
“Marami po dito, Engineer II to Engineer V. So kayo pong lahat, I am asking you, mag-apply po kayo dito at kayo po ang uunahin namin. Siyempre, kailangan kwalipikado kayo para dito,” aniya.
Sean Antonio/BALITA