Natatawang kinuwestiyon ni Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro ang palagay umano ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla hinggil sa bilang ng mga posibleng makasuhan sa isyu ng flood control projects sa iba’t ibang parte ng bansa.
Ibinahagi ito ni Usec. Castro sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, Oktubre 20.
“200 lang talaga? Tingnan po natin, kasi hindi pa naman po tapos ‘yong imbestigasyon. Kung ganiyan, sa tingin niya, nae-estimate niya, ready naman po ang gobyerno kung sila ay dapat na makulong,” ani Usec. Castro.
“Baka naman may pagkakataon na ‘yong mga kasong maisasampa ay puwede namang…matatawag na bailable. So, tingnan po natin,” dagdag pa niya.
Sinagot niya rin ang katanungan patungkol sa nasabing “first round of indictment” na siya umanong isasagawa sa susunod na tatlong linggo.
“‘Yan din po naman ang pangako ng ICI, na magkakaroon po ng mabilisang pagsasampa ng kaso. Nagkakaroon lang po talaga ng pag-iipon ng mga ebidensya, anang palace press officer.
“Para hindi naman po malabnaw ‘yong mga kasong isasampa nila, at baka ma-dismiss lamang po, sayang po ang effort sa kanilang mga ginawa kung madi-dismiss lang po agad,” saad pa niya.
Matatandaang ininspeksyon ni DILG Sec. Jonvic Remulla nitong Lunes, Oktubre 20, ang New Quezon City Jail Facility, kung saan posible umanong dalhin ang mga sangkot sa malawakang korapsyon sa maanomalyang flood control projects sa bansa.
Vincent Gutierrez/BALITA