Bukas umano ang mga miyembro ng Senate majority bloc na isapubliko ang kanilang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) kasunod ng bagong memorandum ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na nag-aalis ng mga limitasyon sa pag-access ng naturang mga dokumento, ayon kay Sen. Erwin Tulfo.
“Nakakita ko naman sa majority ay nagkakasundo naman kami lahat na wala namang itatago. So okay lang din sa amin sa majority na ilabas yung aming SALN,” ani Tulfo sa isang radio interview kamakailan.
Gayunman, sinabi ni Tulfo na magpupulong muna ang mga senador sa isang caucus upang talakayin ang magiging proseso at pagdesisyonan kung may mga bahaging kailangang i-redact sa SALN para sa seguridad ng mga mambabatas.
“May mga mambabatas na sinasabi na may mga redactions sa kanilang SALN tulad ng mga address… Baka pwedeng alisin yun. Pero yung total na assets, liabilities mo at net worth, ilalabas pa rin,” saad niya.
Nagpahayag din ng pagtataka si Tulfo kung bakit huminto sa mga nakaraang taon ang regular na publikasyon ng SALN ng mga opisyal ng gobyerno, at iginiit niyang dati ay karaniwang sinusuri at inihahambing ng media ang yaman ng mga mambabatas taon-taon.
Aniya, “Dati nga, nilalabas yan… I believe every year pinapublish ng media kung sino ang congressman na may maraming asset, kung sino ang kokonti. Hindi ko nga malaman kung bakit natigil yan.”
Dagdag niya, ang pagbabalik ng access ng publiko sa SALN ay makatutulong upang maibalik ang tiwala ng taumbayan sa mga opisyal ng pamahalaan.
“Importante para makita ng mga kababayan natin na habang sa gobyerno ka, hindi ka yumayaman,” anang senador.
Sa bagong memorandum ni Remulla, tuluyang binawi ang circular na inilabas noong 2020 ni dating Ombudsman Samuel Martires, na noon ay nag-aatas na kailangan ng notarized written consent ng opisyal bago mailabas sa publiko ang kanilang SALN.
KAUGNAY NA BALITA: Remulla sa pagsasapubliko ng SALN: 'Dapat lang!'