Nagbabala si Sen. Chiz Escudero sa mga eskuwelahang maniningil pa rin umano ng “student loans” sa kasagsagan ng kalamidad.
Ayon sa kaniyang pahayag noong Sabado, Oktubre 19, 2025, iginiit ng senador na may batas umanong nakakasaklaw hinggil sa paniningil ng mga paaralan sa panahon ng sakuna.
“Pinapaalala natin sa ating mga unibersidad, kolehiyo, at pati na din ang mga tech-voc (technical-vocational) institutions na may batas tayo na nagbabawal sa pagkolekta ng mga utang ng kanilang mga estudyante. Sa panahon na may sakuna, ang pinakamahalaga ay ang muling makabangon ang mga nasalanta,” ani Escudero.
Batay sa Republic Act 12077 o mas kilala sa tawag na “Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act,” ang lahat ng utang ng mga estudyante sa higher education institutions (HEIs’) at technical-vocational institutions (TVIs) ay pansamantalang suspendido sa oras ng kalamidad sa loob ng 30 araw.
Dagdag pa ni Escudero, “Hindi dapat maging dahilan ang kawalan ng pambayad ng matrikula para matigil ang pag-aral ng ating mga estudyante lalo na pag sila rin mismo ay biktima ng bagyo, lindol o anumang sakuna.”
Matatandaang kasalukuyang nararanasan sa iba’t ibang panig ng bansa ang hagupit ni bagyong Ramil na una nang nanalasa sa Bicol Region. Bago ito, ilang mapaminsalang lindol din ang yumanig sa magkakaibang lugar, partikular na sa Visayas at Mindanao.